MAGMUMUKHANG kawawa na naman ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) dahil sa paghirit ng Philippine Military Aca-demy Alumni Association Inc. (PMAAAI) na muling pahintulutan ang graduates ng PMA na makapasok sa PNP.
Binuhay ng PNP ang technical working committee group para pag-aralan ang kahilingan ng PMAAAI.
Kung pahihintulutan, makaÂbubuting buwagin na ang Philippine National Police Academy (PNPA) na pinagkukunan ng mga opisyal ng PNP.
Magkaiba ang training ng PMA at PNPA. Ang PMA ay inihahanda sa paglaban sa mga kalaban ng estado samantalang ang PNPA ay laban sa mga criminal at pakikihalubilo sa sibilyan. Sa ngayon tanging ang mga PMA Class 1992 ang nananatili pa sa PNP at mauubos ang mga ito at magreretiro pa sa 2026.
Sana ay mag-concentrate na lamang ang graduates ng PMA sa Armed Forces of the Philippines at pag-isipan nilang mabuti kung papaano mauubos ang mga bandidong Abu Sayyaf na patuloy pa ring naghahasik ng kaguluhan.
Hindi naman kailangan ang graduates ng PMA para lang maisaayos ang imahe ng PNP tulad ng sinasabi ng ilang taga-PMAAAI. Maging sa AFP din naman ay mayroong naitatalang umaabuso at tinaguriang bugok na sundalo.
Ayon sa mga report, nasa desisyon na raw ni President Aquino kung kanyang pahihintulutan na muling makapasok ang graduates ng PMA sa PNP. Naniniwala naman ako na kaya ni PNP chief Director General Allan Purisima na patinuin ang mga pasaway na pulis.
Hindi na kailangang maka-eksena ang graduates ng PMA sa PNP. Sa AFP na lang sila pumunta para makatulong sa pagtatanggol sa bansa.