NAKAPAGDUDUDA kung bakit maraming nagmamadali na gawing sentro ng paliparan ang Clark International Airport. Ilang grupo na kadikit ng nakaraang ArroÂÂyo administration ang nagpipilit na madaliin ang proyekto.
Dapat ay pag-aralang maÂbuti muna ito ng Malacañang bago isakatuparan at isantabi ang mga nagpipilit na sila ang makakuha ng kontrata lalo na yung mga umeksena sa Arroyo administrasyon. May mga grupo diyan na yumaman nang madikit kay GMA at dating First Gentleman Mike Arroyo. Madali silang matukoy, silipin lang ng Bureau of Internal Revenue ang malalaking negosyo ng mga ito.
Silipin ang mga manifesto sa mga gumamit ng helicopter na ipinagbili sa PNP sa halagang brand new pero second hand pala. Pagtiyagaan na lang ang masikip at maliit na NAIA kaysa malipat sa Clark na puno ng pagdududa at katiwalian.
* * *
Rebyuhin ng gobyerno ang mga ipinatutupad na sistema sa mga pribadong sector na nais mamuhunan sa iba’t ibang imprastrakturang proyekto. Dapat bawasan ang ibinibigay na sobra sobrang garantiya sa mga negosyante na ang dehado ay ang taumbayan. Laway lang ang puhunan ng mga negosyante dahil wala silang kalugi-lugi sa negosyo.
Lahat ay ginagarantiyahan na ng gobyerno hinggil sa kanilang kikitain. Kung hindi maabot ang inaasahang kita, gobyerno ang mag-aabono. Sa isang negosyo ay mayroon talagang panganib na malugi kung papalpak ang pangangasiwa nito.
Sa kasalukuyang sistema na sobra-sobra ang garantiyang ibinibigay, parang ginigisa ang taumbayan sa sariling mantika. Bawasan ang binibigay na garantiya para hindi madehado ang taumbayan tulad sa pagsasapribado ng mga kompanya ng gobyerno.
Halimbawa ay ang Maynilad at Manila Water na ginagarantiyahan ang kita sa pamamagitan ng mga pagtatas sa singil sa tubig. Pero nabisto na pati ang kanilang corporate tax ay ipinapapasan sa mga customer. Umaasa ang taumbayan na matitigil na ang maling sistema na dehado ang publiko.