Bumabaho sa kalawakan

BUMABAHO habang tumatagal sa International Space Station ang mga astronaut na tumatao rito (buti’t pana-panahon silang pinapalitan doon). Isang beses lang silang nagpapalit ng damit sa loob ng isang linggo. Pinupunasan lang nila ng basang labakara o bimpo ang kanilang mukha at katawan para maibsan ang mabahong amoy na sumisingaw mula sa kanilang katawan. Limitado kasi ang suplay ng tubig sa space station kaya bawal maligo at maglaba ng damit. Tinitipid nila ang paggamit ng suplay nilang tig-limang running short, limang t-shirt, 12 underwear, walong medyas, isang regular short at isang pantalon dahil bumibilang nang maraming buwan o taon bago sila makabalik sa Daigdig.  Hindi kasi sila puwedeng magdala ng sarili nilang damit sa pagpasok sa space station. 

• • • • • •

Kailan at paano nagsimulang matutuhan ng tao ang pakikipagkapwa? Nagsimula raw ito sa karne, ayon kay Michael Alvard, isang anthropoligist ng Texas A&M University. Sinabi ni Alvard na maaaring may dalawang milyong taon na ang nakararaan mula nang matutunan ng tao ang makipagkapwa at ibahagi sa iba ang anuman niyang kayamanan. Noong araw daw kasi, mahirap manghuli ng hayop lalo pa’t wala pang kagamitang nakikita sa kasalukuyang panahon. Maaari anyang napag-isip-isip ng mga sinaunang tao na hindi nila makaka-yang mag-isang manghuli nang malaking hayop o lamandagat kaya kailangan nilang magsama ng iba gaya halimbawa ng kaibigan o kapitbahay o kababayan.   Pero kailangan din niya siyempreng bigyan niya ang mga ito ng ilan sa karne ng hayop na mahuhuli nila sa gubat.

 

Show comments