MARAMING tao ang hindi nakaaalam ng kasamaan sa paglanghap ng usok mula sa fogging at spraying laban sa lamok at insekto. Maihahambing sa lason ang kemikal na ginagamit sa fogging at spraying. Napatunayan na ng mga siyentipiko na nakapagdudulot ito ng kanser.
May dalawa akong halimbawa ng kasamaan ng pag-spray. Una, may isang doktor na nakatira sa isang condominium na laging nakakalanghap ng insecticide spray. Pagkaraan ng 5 taon, nagkaroon siya ng kanser sa dugo at ito ang kanyang ikinamatay.
Pangalawa, may pasyente akong laging nagpapa-spray sa kanyang restaurant. Nakakain din ng mga customer niya ang mga pagkaing na-exposed sa insecticide. Pagkaraan ng 10 taon, nagkaroon ng kanser sa dugo ang pasyente at ito ang kanyang ikinamatay.
Kaya ang payo ko sa ating mga mambabasa ay gawin ang lahat ng paraan para makaiwas makalanghap nitong usok.
1. Kapag mag-i-spray sa inyong bahay o opisina, siguraduhing walang tao sa loob ng opisina o bahay sa loob ng 2 hanggang 4 na oras. Kapag nalanghap mo ito, maraming sakit ang puwede mong makuha tulad ng pananakit ng ulo, hika, at hirap sa paghinga. Sa katagalan ay aabot ito sa pagkasira ng baga at kanser.
2. Huwag mag-spray sa lugar na may pagkain tulad ng refrigerator o stock room ng pagkain. Puwede kasing ma-absorb ng pagkain ang lason ng spray at makakain ito ng tao.
3. Huwag mag-spray ng insecticide sa kusina, lalo na sa taguan ng toyo, patis, mantika at bigas.
4. Sa mga amo na nag-uutos na mag-fogging o aerial spraying, siguraduhing walang tao sa lugar ang maaapektuhan. Huwag gawin ang fogging sa araw kung saan may pasok ang empleyado. Gawin ito sa araw ng linggo.
5. Ang pagsuot ng face mask o panyo ay may kaunting tulong lamang. Makapapasok pa rin ang masasamang kemikal sa inyong katawan.
6. Ipaglaban ang inyong karapatan sa kalusugan. Huwag pumayag na makalanghap ng masasamang usok mula sa fogging at insecticide spraying. Makipag-ugnayan sa inyong mga amo at kasamahan sa trabaho.