‘Ang kwentong ‘di mag-abot’

KAPAG ang libro kulang-kulang ang pahina malilito ang mga mambabasa.

Unang nagkakilala sina Apolinar “Pol” Bellas at Salalah “Lala” Buencamino noong taong 2000. Madalas silang magkita dahil madalas silang lumabas magkakaibigan. Nung unang tingin pa lang, natipuhan na ni Pol si Lala. Masigasig siyang nanligaw rito, bandang huli nagtagumpay naman siya. “Palibhasa bata kami, hindi kami natakot kung ano man ang mangyayari sa aming kapusukan,” wika ni Pol. Hindi nagtagal nabuntis si Lala at pinili nilang magpakasal sa huwes. Dahil kakatapos lang mag-aral at wala pang mga trabaho, sa magulang ni Lala ang bagsak nila. Taong 2004… nasundan ang kanilang anak. Sa taon ding yun naisipan ni Pol na mangibang bansa. Nakaalis siya agad ng Pilipinas papuntang Dubai bilang inhenyero. Sumunod sa kanya si Lala, office assistant ang naging trabaho nito. Taong 2007 nang ipanganak niya ang kanilang bunso.

“Gusto naming mabuo ang pamilya namin kaya pinasunod namin ang dalawa naming anak,” pahayag ni Pol. Ang larawan ng isang masayang pamilya ay unti-unting nagbago nang lumipat si Lala sa isang British Company. Hindi na siya kinikibo nito gaya ng dati at malamig na ang pakikitungo sa kanya. Nakumpirma niya ang hinala nang mabasa niya ang usapan umano ng asawa at ng boss na Briton sa laptop nila (ayaw niyang banggitin kung ano ang mga mensahe dahil gusto na raw niya itong kalimutan).

“Kinompronta ko siya. Inamin niyang may relasyon sila ng boss niya. Nangako siyang hindi na siya makikipag-ugnayan dito,” kwento ni Pol. Sa sobrang pagmamahal, pinatawad niya ang asawa. Pilit nilang inilagay sa ayos ang kanilang relasyon. Dahil may lamat na ang kanyang tiwala, hindi na bumalik sa dati ang kanilang pagsasama. “Pagkalipas ng ilang araw nalaman kong hindi pa pala sila naghihiwalay ng Briton,” sabi ni Pol.

Nung magkahirapan sa Gitnang Silangan, pinauwi nina Pol ang kanilang mga anak sa Pilipinas. Setyembre ng taong 2010 si Pol naman ang naapektuhan ng krisis sa Gitnang Silangan. Bumalik siya ng Pilipinas at tumira sa biyenan kasama ang mga anak. Sustento na lamang ang nagiging komunikasyon nila. Kinalaunan hindi na sa kanya pinapadala ni Lala ang pera kundi sa kapatid nito. Sumama ang loob ni Pol at hindi na ulit sila nag-usap. “Nung nagbakasyon siya nung Mayo hindi kami nagkibuan kahit nakatira kami sa iisang bahay,” salaysay ni Pol.

Nang magbalik ng Dubai si Lala kinausap si Pol ng bayaw. Pinapaalis na umano siya sa bahay ng biyenan. “Nag-file na ng annulment case ang asawa mo,” sabi ng bayaw. Isang araw…napag-alaman niyang may inilabas umanong ‘protection order’ laban sa kanya galing sa kanilang barangay. Hindi siya maaaring lumapit sa bahay ng kanyang biyenan maging sa kanyang mga anak. Tinanong namin siya kung bakit humingi ng protection order ang kanyang asawa. Hindi na naman daw niya alam ang dahilan. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Pol.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sinabi sa amin ni Pol na gusto niyang makuha ang kanyang mga anak dahil pakiramdam niya kapag natuloy ang annulment baka hindi na niya makita ang mga ito. Hindi naman mangyari ito dahil ang korte ay bibigyan siya ng visitation rights. Meron siyang karapatan para mabisita ang mga anak maliban na lang kung may nakaambang panganib sa buhay nila. Naniniwala kaming hindi basta-bastang makakakuha ng Barangay Protection Order kapag walang sapat na basehan tungkol sa sinasabing panganib dulot ng taong inirereklamo. Pilit naming tinatanong si Pol kung nananakit ba siya ng asawa o ng mga anak kaya’t kailangan labasan siya ng protection order. Upang lubusan naming maunawaan kung ano ba talaga ang nangyayari sa usaping ito, nagpadala kami ng sulat kay Lala sa pamamagitan ng isang e-mail upang makuha ang kanyang panig. Mahirap naman basta lumundag at tumulong kung mali pala ang panig na aming kinikilingan. Tiyak lang naming  maraming katanungan ang kwento ni Pol. Ang aking pakiramdam bilang isang mamamahayag, mas marami syang tinatago kaysa inilahad sa amin.

Hihintayin namin ang mga susunod na ulat base sa sagot ni Lala at ibabalita namin sa inyo. (KINALAP NI MIG RAMIREZ)

Sa gustong dumulog sa aming tanggapan, ang aming mga numero, 09213784392 (Pauline) 09198972854 (Monique) o 09213263166 (Chen). Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor City State Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

Show comments