Lampong (328)

PINAG-USAPAN nang sarilinan nina Dick at Jinky ang kanilang kasal. Si Jinky ay parang tulala.

“Parang ayaw mong maniwala, Jinky na pakakasal na tayo?” tanong ni Dick na masayang-masaya.

“Totoo ba Dick?”

“Oo. Wala nang problema. Sa sunod na buwan, magpakasal na tayo. Hindi na ako makapaghihintay pa, Jinky.’’

“Ikaw ang bahala, Dick. Masayang-masaya ako. Hindi ko akalain na darating sa buhay ko ito.’’

“Ako man, Jinky. Di ba ayaw kong magpakasal at ayaw ko ring magkaanak.’’

“Saan mo gustong magpakasal tayo, Dick?”

“Sa bayan ng Socorro. Di ba ang ganda ng simbahan dun. Sinauna. At gusto ko sa malapit lang ang reception. Yun bang paglabas ng simbahan ay maglalakad na lang tayo. Di ba kakaiba at masaya?’’

Kinilig si Jinky.

“Okey yun, Dick. Artist ka nga.’’

“Siyanga pala, naimbita ko na ang mga kasamahan ko. Pati ang boss ko pupunta dahil isa siya sa ninong. Pati ang kapatid ko sa Australia, darating din. Tuwang-tuwa siya, Jinky dahil sa wakas daw ay matatali na ako. Hindi na raw ako pusang lampong, ha-ha-ha!”

Nagtawa rin si Jinky.

“Huwag kang mag-alala Jinky at gagawin nating memorable ang ating kasal. Gagastusan ko nang ayos.”

“Marami akong pera, Dick. Tutulong ako.’’

“Huwag na. Kayang-kaya ko. Marami rin akong ipon. Gusto ko maging masaya ka, Jinky.’’

Halos mapaiyak si Jinky.

 

DUMATING ang araw ng kasal ng dalawa. Mara-ming bisita. Lahat nang mga kaopisina ni Dick ay duma-ting. Pati ang kaibigan ni Dick na si Anton mula sa Pinamalayan ay dumating. Walang tigil sa pagtanggap ng bisita sina Dick at Jinky. Halos walang patid.

Hanggang sa may mapansin si Dick sa mga dumating na bisita. Isang lalaki.

“Kilala mo yun, Jinky. Yung nasa sulok.”

“Hindi!”

(Itutuloy)

Show comments