Uyami (4)

GINAGAMIT ng isang Joel Leviste alyas JB, ang pangalan ni Sr. Supt. Pedro Cabatingan, ang regional officer (RO) ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Region 4-A sa “tong collection” activities nito. Kapag hindi kumilos si Cabatingan para arestuhin si Leviste, ang ibig sabihin may basbas niya ang tong collection activities ni JB, di ba mga kosa? Ang taga-ikot ni Leviste ay si alyas Noah. Get’s mo CIDG director Chief Supt. Frank Uyami Sir? Sa katunayan Gen. Uyami Sir, kumolekta ng P30,000 si Leviste noong Biyernes sa magkapartner na Charing Magbuhos at Eddie “Kabayo” Gonzales, ang operator ng Small-Town Lottery sa Quezon. Kung petsadahan ang bigayan ng tong kay Cabatingan, tumataginting na P120,000 ito kada buwan, di ba mga kosa? He-he-he! Kaya pala pinag-aagawan itong RO ng Reg. 4-A. May go signal kaya ni Uyami ang tong collection ni Leviste para kay Cabatingan? Panay utos ni Uyami sa mga opisyales ng CIDG na paigtingin ang kampanya nila laban sa illegal gambling subalit wala namang kumikilos sa mga ito. “Anyare” sa “no take, no contact” policy mo General Uyami Sir?

Kinuha ni Leviste ang payola ni Cabatingan sa bahay mismo ni Magbuhos sa Doña Consuelo Subd. sa San Pablo City. Hindi lang mga top ranking police at government officials ang may payola kay Magbuhos at partner na si Gonzales mga kosa kundi maging ang mga pulitiko, kasama na riyan ang mga barangay chairman. Kung sabagay si Magbuhos ang management ng gambling operations samantalang si Kabayo ang umaaktong bangka, ayon sa espiya ko sa Calabarzon. Si Kabayo naman ang tagabigay ng pitsa sa mga malalaking tao ng gobyerno. Get’s nyo mga kosa?

Ang tanong sa ngayon ay kung bakit nagpapayola pa sina Nana Charing at Kabayo sa mga pulis, pulitiko at opisyales ng gobyerno kung legal ang STL nila? Ayon kasi sa mandatos ng STL, may five percent sa kubransa ang mapupunta sa kapulisan kaya aabot sa P800,000 ang napupunta kay Calabarzon police director Chief Supt. Pompom Estipona. Naka-tseke pa ito mga kosa? Maliban kay Estipona ang bibigyan pa ay ang provincial director at ang police chief ng mga bayan kung saan nangungubra ng taya ang mga kubrador. Itong CIDG mga kosa ay hindi kasali sa grasya ng STL. Kung sa gayun, bakit naglalagay pa itong mag-partner na sina Nana Charing at Kabayo sa CIDG kung legal naman ang STL operation nila?

Ang ibig kayang sabihin nito ay bino-bookies nina Nana Charing at Kabayo ang kanilang STL operations? Kung sabagay, marami ang nagsasabing itong mga STL operations ay front lang ng jueteng. He-he-he! Kanya-kanyang raket lang ‘yan.

At sa ngayon, maaring malakas ang halakhak nina Nana Charing at Kabayo dahil sa ibinigay ng Palasyo na tatlong buwan na extension ng operation ng STL. Front na nga ng jueteng eh pinalawig pa ang operation, ano ba ‘yan? Mukhang hindi angkop ang extension ng STL operation sa “Matuwid na daan” na programa ni President Aquino, di ba mga kosa?

Sino itong opisyal ng Palasyo na hilaw na bayaw ni Kabayo? Abangan!

Show comments