IKAW, kapag nanalo ka sa lotto, di ba ang unang reÂaksiyon mo ay masayang-masaya ka at agad mong kukunin ang napanalunang pera. Sino ba ang hindi magiging masaya kapag nananalo sa lotto?
Pero hindi pala lahat ay natutuwa at excited makuha ang perang napanalunan sa lotto. Katulad ng isang 70-anyos na lalaking taga-Germany at isang pensiyonado. Nanalo siya sa lotto ng US$2.77 million. Pero ayaw niyang kunin ang napanalunan. Ang dahilan: hindi raw niya alam ang gagawin sa pera.
Mangha ang mga opisyal ng German Lottery Association sapagkat ngayon lang sila naka-encounter ng nanalo na hindi kukunin ang pera dahil hindi alam kung ano ang gagawin dito.
Ayon sa lalaki, hindi siya interesadong manalo sa lotto. Tumaya lamang umano siya sapagkat ito ang laging ginagawa ng kanyang asawa noong nabubuhay pa. Palagi raw tumataya ang kanyang asawa sa lotto. Wala raw draw na pinalalampas ito at ni minsan ay hindi pa ito nanalo.
Nagtungo ang lalaki sa German Lottery Association headquarters at sinabi niya sa mga opisyal doon na hindi niya kailangan ang pera. Hindi niya ito kukunin. Pinipilit siya ng mga opisyal na kunin ang napanalunan subalit tumanggi ang lalaki. Wala na raw siyang pagkakagastusan ng pera sapagkat patay na ang kanyang asawa, wala siyang anak, patay na rin ang kanyang mga magulang at wala siyang kamag-anak.
Walang nagawa ang lottery officials kundi ang itago ang malaking pera. Iginalang nila ang wish ng matanda.