PINAG-AARALAN ng ilang grupo ng researchers kung nakakaadik ang mga pagkain sa fastfood outlet tulad ng hamburger at french fries. Napupuna ng ilang researcher sa University of Washington sa Seattle na nagbabago ang sistema ng katawan ng isang tao habang papadalas ang pagtikim niya ng mga pagkaing mayaman sa taba at calories. Habang dumarami ang taba sa katawan ng isang tao na mahilig sa mga fastfood, nawawalan ng kakayahan ang kanyang utak na makibagay sa hormone na leptin na siyang kumokontrol sa kanyang ugali o kagawian sa pagkain. Pero sinasabi naman ng ibang scientist na wala pang konklusibong ebidensya na nakakaadik ang mga pagkaing sagana sa taba at asukal.
• • • • • •
Lumabas sa isyu ng British Journal of Cancer ang resulta ng pananaliksik ng isang grupo ng mga scientist na Amerikano at Swedish na nagpapahiwatig na walang dapat ipangamba sa mga pagkaing ipiniprito o inihuhurno. Meron kasing naglabasang ulat noon na nagdudulot umano ng sakit na cancer ang mga potato chip, french fries, tinapay, biskuwit, sinangag at ibang kahalintulad na pagkain. Lumilitaw umano sa mga pagkaing ito ang tinatawag na acrylamide na nakakapagbunga ng sakit na cancer. Pero, sa bagong pagsusuri na ginawa ng naturang mga scientist sa mga kinakain ng 987 cancer patients at ng 538 malulusog na tao, walang kaugnayan sa large bowel, bladder at kidney cancer ang antas ng acrylamide na tinataglay ng mga inilulutong pagkain. Ayon pa sa ulat, may mga pagkain na may mataas na level ng acrylamide pero mayaman naman sa mga fiber na nagpapabawas ng panganib sa cancer.
• • • • • •
Mas marami raw bacteria sa mga kamay ang mga babae kaysa mga lalaki. Ito ang lumilitaw sa isang pag-aaral na ginawa ng researchers ng University of Colorado at lumabas umano sa online edition ng Proceedings of National Academy of Sciences. Hindi naman matukoy ng researchers kung bakit mas maraming bacteria sa kamay ng mga babae pero maaaring dahilan dito ang acidity ng balat. Karaniwan anilang mas acidic ang balat ng lalaki. Pero maaari ring dahilan ang madalas na paggamit ng mga produktong pampaganda, pangangapal ng balat o hormone production. Gayunman, idiniin nila na marami namang bacteria sa katawan ng tao ay kapaki-pakinabang. Bukod dito, hindi matatanggal ng paghuhugas ang mga bacteria sa kamay.