IPINABABATID ko kay DILG Sec. Mar Roxas ang meeting ni Dodjie Lasierda at ang mga ahente ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Ang meeting na ginanap sa Shell Tapa King sa Turbina, Calamba City, ng mga bandang alas tres ng hapon noong Huwebes, ay hindi para ipahinto ang pasugalan sa Calabarzon area kundi kung paano matulungan ang CIDG na magkaroon sila ng weekly payola sa gambling lords sa naturang lugar. Ang kasama ni Dodjie ay sina Bienvenido Salandanan at Rico Posadas at ang mga ahente naman ng CIDG ay tawagin ko na lang na sina alyas Tata Rudy at Tata Jun. Kung itong meeting nina Dodjie at CIDG agents ang gagawing basehan mga kosa, hindi totoo ang kautusan ni CIDG director Chief Supt. Frank Uyami na ipinaaresto niya ang una. Dahil kung totoo ang utos ni Uyami, tiyak susunggaban na lang nina Tata Rudy at Tata Jun si Dodjie para may accomplishment sila. Kaya maliwanag na ang nasa isip ng CIDG agents ay hindi para arestuhin si Dodjie kundi ang pagkaperahan, di ba mga kosa? Ang hindi ko lang arok ay kung kaninong opisina ang nais ikolekta nina Tata Rudy at Tata Jun, kay Uyami ba o ang iba pang operating units ng CIDG sa Camp Crame?
Ayon sa aking espiya, naka-blue t-shirt si Dodjie sa meeting at ang gamit niyang sasakyan ay kulay orange na Mazda 323 na may plakang GEW 128. May tag na “for sale†ang sasakyan. Ayon kay Dodjie, hindi siya maaaring arestuhin ni Uyami dahil hindi naman Lasierda ang apelyido niya. Hayan, Gen. Uyami Sir kung seryoso kang arestuhin si Dodjie meron ka nang giya sa pamamagitan ng plate number ng sasakyan niya. Si Posadas ay kolektor din sa Cavite habang si Salandanan ay bata ni Dodjie kung saan ang petsahang payola ng mga gambling lords sa Calabarzon ay kinokolekta niya sa Kuwarta Padala outlet sa Biñan. Sana hindi maging bola-bola kamatis ang pangako ni Uyami na ipinaaresto niya si Dodjie, kasi hindi ito magdudulot nang magandang halimbawa sa “no take, no contact†policy niya.
Habang nasa meeting sina Dodjie at CIDG agents, miniting din ni Supt. Mendoza ang hepe
ng RSOG ng Calabarzon police ang mga may-ari at financiers ng pergalan sa RSM restaurant sa Real, Calamba. Ang meeting ay hindi rin para mapabuksan ang mga pergalan sa Southern Tagalog kundi para magkaroon ng allowance ang team leader na kapitan ng RSOG. Hindi kasi kuntento si Mendoza sa P60,000 na nire-remit ni Dodjie sa kanila na galing sa pergalan at ang team leader na kapitan ay hindi man lang naaanggihan. Sarado kasi ang mga color games at sugal sa mga pergalan sa kautusan ni Calabarzon police director Chief Supt. Pompom Estipona dahil hindi nakapag-remit si alyas Mely sa mga “kinauukulan†na kausap niya.
Ipinagyayabang din ni Dodjie na sagradong bata siya ni Col. Talbog Orduna, ng PMA Class ‘88 at kasalukuyang provincial director ng Bulacan. Pero sa totoo lang mga kosa, niloloko lang ni Dodjie ang mga kapustahan niyang police officials dahil ginawa niyang petsahan ang remittance nila imbes na lingguhan. Sa petsahan kasi kada 7, 15, 22 at 30 o 31 ang turnover ng tong na nakolekta. Lugi ang police officials dito dahil merong ilang buwan ng taon na may limang linggo kaya maliwanag na nadudugas sila ni Dodjie ng isang linggo. Sayang din yun, get’s n’yo mga kosa? Abangan!