Huwag nang gumastos sa militar

TAMA ang panawagan ni President Noynoy Aquino na dapat ay magkaisa ang sambayanang Pilipino upang ipagtanggol sa sinumang nais umangkin sa ating mga ari-arian.

Ito ang naging mensahe ni P-Noy sa araw ng kalayaan at tiniyak na hindi tayo yuyukod sa mga dayuhan na umaangkin sa ating teritoryo lalo na sa west Philippine sea na inaangkin ng China.

Pero hindi naman siguro kailangan nating palakasin ang mga kagamitang armas ng Armed Forces of the Philippine para lamang magparamdam sa China.

Malabong matakot sa Pilipinas ang China dahil “kutong lupa” o napakaliit natin para pumalag sa kanila.

Batay sa pag-aanalisa ni Professor Benito Lim, naglaan ng budget ang ating gobyerno ng $1.8 billion o katumbas ng P75 billion para raw i-upgrade ang kagamitang pang giyera ng AFP.

Ito ay sa harap ng tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng pinag-aagawang teritoryo sa Spratly Islands.

Ayon kay Lim, kakarampot lang  ang ating budget kumpara sa $119 billion ng China sa kanilang budget pangdepensa.

Sayang lang ang P75 billion na budget sa military dahil hindi naman matatakot ang China. Ang magandang gawin sa budget ay ilaan sa mas kailangan ng mamamayan. Idagdag sa pondo ng edukasyon, imprastraktura  at iba pang paraan para malutas ang kahirapan ng mga Pilipino.

May mga magtatanggol naman sa mga mahihirap na bansa na inaapi ng higanteng bansa gaya ng United Nations. Hindi naman tayo basta basta madadagukan ng China dahil protektado tayo ng UN sa sinumang bansang mang-aapi.

Ang gawin natin ay magkaisa at magkaroon ng iisang boses para mailantad ang pangbu-bully ng China.

Wala tayong magagawa dahil ito ang katotohanan. Wala tayong kakayahan na lumaban sa pamamagitan ng giyera sa China.

Magandang tularan natin ay ang Taiwan na dahil sa pagkamatay ng isang mangingisdang Taiwanese ay nagkaisa ang mga ito na iparamdam sa Pilipinas ang kanilang sintemiyento.

Maging kalmado naman sana ang lahat at huwag ma­ging agresibo. Maaari naman tayong lumaban sa China sa ibang mapayapang pamamaraan at hindi sa pamamagitan ng digmaan.

 

Show comments