KALUNUS-LUNOS ang nangyari sa isang Ford Fierra na nahulog sa bangin sa Bugias, Benguet noong Sabado na ikinamatay ng 13 at nakasugat sa 10 iba pa. Sa taas ng binagsakan, nawarat ang sasakyan. Sampu agad ang namatay sa pinangyarihan ng insidente samantalang ang tatlo ay namatay sa ospital. Nakaligtas naman ang driver. Ayon sa imbestigasyon ng Cordillera police, nawalan ng preno ang sasakyan habang pababa. Galing umano sa thanksgiving party ng isang nanalong mayor ang mga sakay ng Fierra nang mangyari ang trahedya.
Nawalan na naman ng preno kaya nahulog sa bangin. Naulit na naman ang ganitong pangyayari na nawalan ng preno. Nakakatakot na ang mga nangyayaring ito na laging walang preno ang mga sasakyang naaksidente. Noong nakaraang taon, isang bus na may sakay na mga estudyante ang naaksidente sa Baguio at marami ang namatay. Nawalan ng preno ang bus at sumalpok sa kasalubong na delivery truck.
Noong Linggo, isang pampasaherong jeepney rin ang nahulog sa isang bangin sa Buruanga, Aklan at tatlo ang namatay. Ayon sa police report, nag-malfunction ang gear ng jeepney habang nasa matarik na lugar. Nahulog ito sa bangin na may lalim na 24 talampakan.
Paulit-ulit lamang ang ganitong trahedya sa kalsada na kinasasangkutan ng mga sasakyang walang preno at iba pang mechanical trouble. At ang nakapagtataka, patuloy naman ang Land Transportation Office (LTO) sa pagre-renew ng rehistro ng mga sasakyan. Sa kabila na dispalinghado na ang preno at maraming depekto, nire-renew pa rin ang rehistro ng mga ito. Wala nang inspeksiyon. Ang mahalaga lang sa LTO ay kumita ng pera mula sa pagrehistro at balewala kung maaksidente ang sasakyan. Wala silang pakialam kung mahulog ang sasakyan sa bangin dahil sa depektibong preno.
Kailan magkakaroon ng pakialam ang LTO sa mga sasakyang kakarag-karag at depektibo na patuloy na nirerehistro. Kailan mamumulat ang tanggapang ito na maraming batikos na tinatanggap?