EDITORYAL- Hindi sinusunod ang Tobacco Regulation Act

MARAMING batas sa bansang ito na nasasayang lang at hindi naipatutupad. Matapos pagkagastusan, pagbuhusan ng oras, pagdebatehan at talakayin nang matagal, wala rin palang mangyayari sa ipinasang batas. Sayang lang ang pagsisikap ng mambabatas na nakaisip ng batas sapagkat babalewalain lang. Ang nakadidismaya, may mga mambabatas na sila pa ang unang sumusuway sa batas. Sa halip na sila ang maging halimbawa para maipatupad nang maayos ang batas, sila pa ang sumusuway. Grabe!

Isa sa mga batas na hindi sinusunod ngayon ay ang Republic Act 9211 o ang Tobacco Regulation Act of 2013. Si Senator Pia Cayetano ang awtor ng nasabing batas. Sa ilalim ng batas, mahigpit na pinagbabawal ang paninigarilyo sa pampublikong lugar at mga confined o enclosed areas gaya ng ospital, gusali, sinehan, school, bus terminal, elevator, mga airconditioned room, klinika at recreational facilities para sa mga bata.

Subalit hindi nasusunod ang batas at maraming naninigarilyo sa mga nabanggit na lugar. Walang pakialam kahit na nasusulasok ang mga nasa loob ng kuwartong airconditioned ng gusali. Walang pakialam kahit may magkasakit dahil sa ibinubugang second hand smoke.

Isa sa mga gusaling hindi nasusunod ang RA 9211 ay ang Senate building. Umano’y maraming naninigarilyo rito at hindi na isinasaalang-alang ang kalusugan ng iba pang nakalalanghap ng usok. Umano’y may mga senador na naninigarilyo sa loob mismo ng kanilang tanggapan. Dahil aircon ang tanggapan, hinihigop ito ng aircon kaya ang mga katabing tanggapan ay nalalanghap din ang mabahong amoy ng sigarilyo. Sa halip na magbigay ng halimbawa ang mga senador na huwag manigarilyo, sila pa ang pasimuno.

Sa ulat ng Department of Health, ang sakit na nakukuha­ sa paninigarilyo ang numero unong dahilan ng kamatayan ng mga Pilipino. Nangunguna rito ang cancer sa baga. Ang masaklap, maski ang nakala­langhap ng second hand smoke ay kandidato rin sa pagkakasakit.

Kailan magbibigay ng halimbawa ang mga mambabatas para maipatupad nang maayos ang batas. Sila ang dapat manguna at wala nang iba pa.

Show comments