Dahil tumatanda ang lahat ng bagay
Pati ang daigdig dito’y kaagapay;
Ang ilog ang sapa at pati ang bahay
Tungo’y sa pagtanda hanggang sa mamatay!
Kaya naman ngayon sa lahat ng dako
Mga punongkahoy iba na ang anyo;
Halimbawang ito’y huwag nang lumayo
Ang buhay ng tao – tumatanda ito!
Dati ang katawan palibhasa’y bata
Ito ay malakas at saka masaya;
Habang gumugulang siya’y nag-iiba
Dahil gumugulang ay nalulungkot na!
Katawang palaban at saka malakas
Ay biglang nagbago nawala ang tikas;
Dati sa lakaran hindi umaatras
Pero nang tumanda di na makalakad!