Mga kamangha- manghang bagay na nakuha sa tabing dagat (2)

SANDAMUKAL NA SAGING — Noong 2007, nagpista ang mga residente ng Dutch North Sea islands. Paano’y sandamukal na mga saging ang nakita nila sa dalampasigan. Hindi sila makapaniwala sa napakaraming saging na halos nakasalansan sa tabing-dagat. Pawang mga berde pa ang saging na halatang kaaanod lamang. Nagkagulo ang mga residente sa pagkuha sa mga saging.

Ayon sa report, nanggaling ang saging sa isang cargo ship. Naanod ang container at lahat nang lamang saging ay naanod. May mga residente na nagsuhestiyon na i-donate sa zoo ang napakaraming saging. 

SANDAMUKAL NA DORITOS --- Mahilig ba kayo sa chips? Kung kayo ang makakita nang napakaraming inanod na chips sa dalampasigan, ano ang gagawin n’yo?

Nagkagulo ang mga naninirahan sa Outer Banks ng North Carolina noong Nobyembre 30, 2006, sapagkat sandamukal na Doritos ang nakita nila sa dalampasigan. Nakasalansan ang napakaraming Doritos na para bang isinabog doon. Kanya-kanyang kuha ang mga residente. May nagdala ng plastic bags at sako para makakuha nang marami.

Lahat nang mga Doritos ay selyadong-selyado. Hindi napa­sukan ng tubig-dagat. Ang iba ay kumain nang kumain ng Doritos na tila ba wala nang bukas.

Umano’y sa isang nahulog na cargo container galing ang mga Doritos.

 

Show comments