NAGSISIMULA nang mag handa ang Comelec para sa barangay elections sa Oktubre. Panahon na siguro upang pag-aralang mabuti ng mga mambabatas ang sistema ng barangay election. Napakagastos nito at bilyong piso ang puwedeng matipid kung wala nang eleksiyon.
Ayon sa Comelec, P7 bilyon ang inilalaan ng Comelec sa barangay elections. Buong bansa ay kailangan ding kumilos -- ang mga lokal na pamahalaan, ang PNP at AFP para sa pagmamantine ng peace and order sa buong bansa.
Hindi man lahat, pero karamihan sa mga opisyal ng barangay ay madalas na dumidikit sa mga pulitiko tulad sa mga mayor at kongresista kapag sila ay nakapuwesto dahil makakatulong ito sa kanilang puwesto.
Kung ganito ang sistema, makabubuting wala nang bara-ngay elections. Ibigay na lamang sa mga mayor ang kapangyarihan na mag-appoint ng mga opisyal ng barangay.
Mahihirapan ang mga pulitiko lalo na ang pangnasyunal na magamit ang mga barangay officials dahil may koneksiyon ang mga ito sa kani-kanilang mga mayor. Magsisilbing co-terminus ang barangay officials. Kapag natalo ang mayor na nag-appoint sa kanila, tiyak na papalitan sila ng bagong halal na mayor.
Tanggapin natin ang katotohanan na maraming bara-ngay officials dumidikit sa mga mayor at kongresista upang makakuha ng pondo sa mga proyekto nila sa barangay. Dahil dito, hayaan na sila ay i-appoint na lamang.
Sana sa pagpasok ng bagong Kongreso, agad na nilang talakayin ang panukalang ito para huwag nang matuloy ang eleksiyon sa Oktubre. Makatipid tayo ng bilyong piso. Ang malaking halagang ito ay magagamit sa mga pangunahing serbisyo tulad nang pagpapatayo ng mga dagdag na eskuwelahan. Ngayong pasukan, muling mararanasan ang kakapusan ng mga guro at silid-aralan.
Sana ay maging aktibo ang mga senador at kongresista sa panukalang ito. Kinakailangang ang pondo ng taumbayan ay tipirin at gastusin sa kapaki-pakinabang.