Sec. Roxas, i-implement mo ang suspension ni Mayor De Guzman
INAABANGAN ng Marikeños kung kailan ipai-implement ni DILG Sec. Mar Roxas ang six months suspension without pay order ng Office of the Ombudsman laban kay Marikina City Mayor Del de Guzman. Dahil sa hindi pagkilos sa reklamo na walisin ang illegal structure sa isang subdivision sa Bgy. Concepcion Dos, may nakitang sapat na ebidensiya ang Ombudsman para patawan ng kaparusahan si De Guzman at Engr. Rommel Felipe, hepe ng CTMDO, at chairman Ronald Ortiz ng Bgy. Concepcion Dos. Si Engr. Alfonso Espiritu, ang city engineer, ay hindi pinatawan ng kaparusahan ng Ombudsman dahil nagretiro na siya noong nakaraang taon. Sa isang TV interview, ipinangako ng isang undersecretary ng DILG na obligado silang ipatupad ang kautusan kapag natanggap na nila ang order ng Ombudsman. Subalit kung ang mga residente ng North Rim View Park residents, na umaktong complainants sa kaso, ay may kopya na ng Ombudsman order, bakit wala pang kopya ang DILG? Inuupuan lang kaya ng DILG ang suspension order ng Ombudsman? Ano sa tingin n’yo mga kosa?
Kung sabagay, si De Guzman ay taga-Liberal Party, ang partido ni President Aquino. Mukhang walang kakayahan ang liderato ni Aquino na suspendihin ang kapartido niya, di ba mga kosa? Saan na ang ipinagyayabang ni P-Noy na “Matuwid na Daan� Para lang ba ‘yun sa mga kalaban niya sa pulitika? At dagdagan pa ng realidad na si Roxas ay dating LP president on-leave. Patay na! Maaring hindi na uusad pa ang suspension order ng Ombudsman laban kay De Guzman and co., di ba mga kosa?
Sa tingin naman ng mga kausap ko, dapat ipatupad ng DILG ang kautusan ng Ombudsman na suspendihin si De Guzman para hindi na pamarisan pa ng iba pang makupad kumilos na opisyal ng LP, di ba mga kosa?
Siyempre, sa kautusan na ito ng Ombudsman, ang mga natuwa lang ay ang mga kalaban ni De
Guzman sa pulitika. Para naman sa kampo ni De Guzman, politically-motivated ito. Pero malinaw naman na noong Pebrero pa ipinalabas ng Ombudsman ang desisyon nila at kung may anggulong pulitika ito, dapat iwinawagayway na ng mga kalaban niya sa pulitika ito bago pa ang May 13 elections. Kung bago mag-election kaya inilabas ang desisyon ng Ombudsman, may pagkakataon kaya na matalo pa si De Guzman? Sa tingin ko mga kosa, HINDI. Dahil sa walang lumaban dito kay De Guzman kaya halos 190,000 votes ang lamang niya sa pinaka-malapit na kalaban. No contest ‘ika nga ang election sa Marikina City pabor dito kay De Guzman.
Sa tingin ko naman, napahiya si De Guzman sa kautusan ng Ombudsman kasi nga nag-iisa siyang mayor sa Metro Manila na sinuspende sa loob ng mahabang panahon. Kaya sa ngayon, panay damage control ng kampo ni De Guzman at kung anu-anong balita na ang ikinakalat nila. Subalit hindi naman nila inaatake ang decision ng Ombudsman, maliban sa nag-file sila ng motion for reconsi-deration laban dito.
Matapos ang election sa Metro Manila, ang malaking isyu sa kasalukuyan ay ang suspension ni De Guzman at dalawang kasama niya. May bayag kaya si Roxas na ipa-implement ang decision ng Ombudsman? May karugtong!
- Latest