SA panahon ngayon na napakaraming aksidente at krimen, hindi maiwasan ng mga magulang ang laging mag-alala para sa kaligtasan ng kanilang mga anak. At bagamat hindi natin maiiwasan ang mga ganitong pangyayari, marahil ang magagawa na lamang natin, bilang mga magulang, ay laging ipagdasal ang ating mga anak. Ito ang unti-unti kong natututunan at gusto ko itong simulan habang maaga pa at bata pa si Gummy. Pag naiisip ko, napakarami palang mga bagay ang dapat nating ipinagdarasal. Mga pang-araw-araw na mga pangyayari na hindi natin dapat binabalewala.
Una kong natutunan ang pakawalan ang ating mga anak sa kamay ng Diyos. Ipagkatiwala sila sa Kanya nang sa gayon ay hindi rin tayo laging nag-aalala na baka kung ano na ang nangyayari sa ating mga baby. Hindi ito para sabihin na kapag ipinasakamay na natin ang ating mga anak sa Diyos ay nangangahulugang wala na tayong pakialam sa kanila. Mga magulang tayo. Bagkus ay ipinagkakaloob natin sa Diyos ang ating buong tiwala na poprotektahan Niya ang kanyang mga anak sa mga aksidente. Masaktan man ay galos lamang. Masugatan man ay mababaw lang. Dahil buo ang loob natin na sila ay nasa pangangalaga Niya.
Nagtitiwala tayo sa Kanya dahil Siya ang lumikha sa atin. Sa Kanya tayo galing kaya mahal at aalagaan Niya tayo. Diyos siya. He is all-knowing and always present everywhere. Nasa tabi natin Siya at nakikita ang lahat ng mangyayari. Alam Niya ang lahat bago pa man maganap ang mga ito.
Dahil Diyos siya, kontrolado niya ang lahat. At kung lagi at taimtim nating ipagdarasal ang ating mga anak ay didinggin Niya ang ating mga panalangin, lalo na at ito ay para sa ating kabutihan, sa kaligtasan ng ating mga minamahal.
Kaya para panatag ang iyong kalooban sa tuwing aalis ka ng tahanan o papasok sa school ang iyong mga anak, magdasal at ipaubaya sa Diyos ang iyong mga anghel.