PSG timbog sa holdap!

Kahapon dalawang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ang natiklo ng mga tauhan ng Quezon City Police matapos na looban ng mga ito kasama ang tatlo pang nakatakas ang isang car shop sa lungsod.

Kapwa nagtataglay ng ID buhat sa AFP sina Cpl. Bobby Cepe Ates at Sgt. Marvin Gamba Gaton  na ang assignment ay sa PSG.

Bukod sa sinasabing panloloob ng mga ito sa Streamline Auto Salon sa lungsod Quezon, nasamsam din sa kanila ang matataas na kalibre ng baril at bala.

Tiniyak naman ng Palasyo na makikipagtulungan sila sa isinasagawang imbestigasyon ng pulisya, kasabay nang paglilinaw na hindi close-in security ni PNoy ang mga nadakip kundi bahagi lamang ng manpower force ng PSG. Hindi rin umano kukunsintihin ng PSG ang ganitong mga maling gawain.

Ang punto rito, dapat eh maging maingat sa pag-aassign ng personnel lalu na ang may kinalaman sa seguridad o sa tanggapan ng Pangulo.

Dapat  na mas matinding background check o profiling ang gawin sa mga ito dahil sila ang nagbabantay sa Pangulo.

Kahit pa nga hindi sila kabilang sa close in security pero dala nila ang tanggapan ng PSG na may kinalaman sa Pangulo.

Base sa mga ID na nakuha sa kanila mukhang mga bagong assign pa lamang sa PSG ang dalawa.

May tatlo pa palang mga kasama ang dalawang nadakip na nakatakas sa mga awtoridad at hindi pa matiyak kung konektado din o mga PSG din ang mga ito.

Dapat talagang mabu-sisi ito ng mga kinauukulan at ng Malacañang baka nalalagay sa alanganin ang PSG.

Dapat siguro may magpaliwanag dito.

Show comments