Konsepto ng pagsusulat

ISA sa sistema ng araw-araw na pamumuhay natin na binabago sa kasalukuyan nang sumusulong na teknolohiya ay ang konsepto ng pagsusulat (writing).

Ito ay ang sulat-kamay. Ito ang una nating nakagisnan sa sistema ng pagtatala sa papel ng anumang bagay na naiisip natin o ginagawa.  Sa pamamagitan ng lapis o ballpen, isinusulat sa papel ang anumang nais mong iparating sa ibang tao o, halimbawa, itinatala mo sa isang diary ang mga naganap sa buhay mo sa  buong maghapon. Maaaring humahabi ka ng tula, kuwento, o nobela o sanaysay habang iginuguhit ng lapis o ballpen sa malinis na papel ang nilalaman ng iyong diwa. O kaya, kung isa kang estudyante, isinusulat mo sa kuwaderno ang iyong aralin sa klase. O kaya ay gumagawa ka ng liham para sa isang mahal sa buhay. Kahit uso na noong araw ang makinilya, mapapanaligan pa rin at mas marami pa rin ang gumagamit ng ballpen at lapis sa pagsusulat.

Pero dumating nga ang panahon ng computer. Sa dami nga naman ng mga nagagawa rito, nailipat dito ang paggawa ng anumang dokumento. Masasabing ito ang kumitil sa industriya ng makinilya. Ang mga estudyante ay sa computer na ginagawa ang karamihan ng kanilang assignment o homework. Dito na rin nila binubuo ang kanilang mga theme paper o thesis. Idinadaan na rin sa computer ang anumang dokumentong ginagamit sa mga opisina. Mula sa keyboard ng makinilya, lumipat sa keyboard ng computer ang mga manunulat at mamamahayag sa kanilang pagsusulat.

Pero tila binago na nga ng computer ang konsepto ng pagsusulat.  Tila naglalaho na ang konsepto ng sulat-kamay sa pagsusulat. Hindi na kailangang gumamit ng ballpen at lapis para sabihing ikaw ay nagsusulat. Sumusulat ka ng anumang kuwento o love letter halimbawa pero ginagawa mo na ito sa pagtipa sa keyboard ng computer. Pinatindi pa ito ng pagsulpot ng laptop, iPad o tablet sa pangkalahatan at ng mga smartphone na nagagamit na rin sa pagsusulat. Ang hindi pa lang napapaunlad sa computer ay ang pirma ng tao. Kailangan pa rin ang aktuwal na sulat-kamay para ka makapirma. Kaya naman naimbento ang mga gadget na ginagamit para maisalin sa computer ang ganitong mga pirma.

Ano naman kaya ang epekto ng makabagong sistemang ito ng pagsusulat sa mga tagagawa ng lapis at ballpen at sa mga taong umaasa ng ikakabuhay dito? Pero, kung pagbabatayan ang mga ballpen at lapis na makikita nating ibinebenta sa mga book store, department store at ibang mga tindahan, matatagalan pa naman siguro bago sila mawala na tulad ng nangyari sa makinilya.

• • • • • •

Anumang reaksyon sa kolum na ito ay maipaparating sa e-mail address na rbernardo2001@hotmail.com

 

Show comments