EDITORYAL - Mabagal matapos ang road project

DALAWANG linggo na lamang ang nalalabi at pasukan na. Dadagsa na naman ang mga estud­yante. At kasabay nang pagpasok ng mga estudyante, papasok na rin ang tag-ulan. Katunayan, nagsisimula na ang pag-ulan tuwing hapon. At sa mga mangyayaring ito, grabeng trapik ang magiging problema. Tiyak na sasalubungin ang pasukan nang matinding pagbubuhol ng trapiko.

Lalo pang titindi ang trapik sapagkat marami pa sa mga proyektong kalsada ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay hindi pa natatapos. Tatlong buwan na mula nang simulan ng DPWH ang pagsasaayos sa mga kalsada subalit hanggang ngayon, marami pa rin ang hindi natatapos. Usad pagong ang pagtatrabaho. Dahil sa kabagalan, aabutan pa ng pagbubukas ng school.

Ilan sa mga proyektong hindi pa natatapos ay ang kalsada sa Roxas Blvd. malapit sa Manila Hotel na nagdudulot ng matinding trapik. May mga gina­gawang kalsada sa dating Gob. Forbes St. sa Sampaloc, sa may Sta. Cruz area at Avenida, Rizal. Nangako noon ang DPWH na tatapusin nila ang pagsasaayos ng mga kalsada bago ang tag-ulan at pasukan, pero nagkamali yata sa pagtantiya ang DPWH. Marami pang hindi natatapos. Dapat linawin ng DPWH sa mga contractor kung ano ang dahilan at naatrasado ang pagtapos sa mga kalsada.

Maski sa probinsiya ay may mga road project din na hindi tinatapos ang mga contractor. Ang road project sa Burauen-Albuera, Leyte ay walang pala­tandaan na matatapos. Ayon sa DPWH inihahanda na nila ang pagsasampa ng kaso sa contractor ng project. Umano’y P500 million na ang naibubuhos sa project na sinimulan pa noong 2004 pero hanggang ngayon ay hindi pa maaaring daanan. Nababalot ng anomalya ang project kaya dapat imbestigahan. Pera ng taumbayan ang ginamit sa mga road project kaya dapat kumilos ang DPWH ukol dito.

Show comments