NAIIMADYIN mo pa lang na pumapasok sa iyong bibig ang sinangag na langgam, deep fried beetles, sweet and spicy caterpillar…kinikilabutan ka na, paano pa kung aktuwal mo na itong kakainin? Pero oy, huwag isnabin ang mga insektong ito dahil ayon sa United Nation Food and Agriculture Organization or (FAO), ang mga insektong dumaan sa kanilang pag-aaral, 1,900 species mula sa Africa at Asia, ay napakasustansiya at nagtataglay ng properties na pumipigil sa pagtaba.
Napag-alaman ng FAO na ilang restaurant na sa Europe ang nagsisilbi ng insect-based dishes at ibinibida sa mga diners bilang exotic delicacies. Ang Noma, isang Danish restaurant na sumikat sa paggamit ng insektong sangkap kagaya ng langgam at fermented grasshopper ay tatlong sunud-sunod na taong pinaparangalan bilang World’s Best Restaurant.
Ang proyekto ng FAO ay hindi lang tumutulong para mapigilan ang obesity kundi nagbibigay pa sila ng business at export opportunities sa mga tao mula sa developing countries. Kapag nauso ang paggamit ng sangkap na insekto sa mga lutuin sa European restaurant, sa developing countries sila aasa na makakuha ng supply ng insekto. Ang mga tao mula sa rural communities ang makikinabang dito. Magkakaroon sila ng hanapbuhay sa pamamagitan ng insect farming. Kaunti lang ang magiging puhunan dito dahil hindi magastos ang pag-aalaga ng insekto, hindi kagaya ng magtatayo ng manukan, bakahan at babuyan.
Psychological lang ang pandidiri sa insekto. Pero kung lasa ang pagbabasehan, ito ay masarap at walang masamang lasa. Isang blind test ang ginawa ng mga researchers—nagpatikim sila ng dalawang klaseng meat balls 1) gawa sa purong karne 2) 50% karne + 50% bulate. Sa bawat 10 tumikim, 9 ang nakagusto sa lasa ng half meat/half bulate. Kaya…GO, GO Insekto, para sa malusog na sambayanan!