Matupad kaya ang pangako?
NATAPOS na ang eleksiyon at marami na ang naiproklama lalo sa local level. Lumilitaw na rin kung sino ang 12 bagong senador. Kapag naiproklama na ang 12 senador, abangan naman natin kung matutupad ang kanilang mga ipinangako.
Mas magandang itago natin ang mga materyales na nagsasabi sa kanilang mga pangako sa kampanya dahil nararapat lang na singilin natin ang mga ito. Halos lahat ng mga kandidatong senador ay nangako na tutulong sila upang bumuti ang kalagayan ng mga naghihirap na sambayanang Pilipino.
May nagsabi na aayusin daw ang edukasyon para sa mahiÂhirap, palalakasin ang ekonomiya at pabababain ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Sana nga ay matupad ang mga pangakong ito ng mga bagong senador. Kung matutupad ito ay malamang na ang Pilipinas na ang magiging mayamang bansa sa Asya. Lahat ng mga Pilipino ay masaya at maginhawa.
Pero ang malaking katanungan ay matutupad kaya ang mga pangako ng mga bagong senador na mananalo o baka naman wala rin tayong maaasahan sa kanila.
Ako naman ay duda kung matutupad ng mga ito ang kanilang pangako. Huwag tayong masyadong umasa dahil bukambibig lang ng mga ito sa panahon ng kampanya. Kapag naupo na, nalimutan na ang kanilang pangako.
Kadalasan kasi kapag nagsimula na ang trabaho ng mga senador ay hiindi maiwasan na nahahaluan ng pamumulitika lang lalo pa’t ang susunod na eleksiyon sa 2016 ay maghahalal tayo muli ng bagong presidente.
Asahan na magkakaroon ng reorganisasyon sa liderato ng Senado dahil nakalalamang daw ang kakampi o kaalyado ng administrasyon.
Wala namang pakialam ang taumbayan kahit sino pa ang mamuno sa Senado subalit ang nais lang naman ng mamaÂmayan ay matiyak na nabibigyan ng proteksion ang karapatan ng mamamayan at naisusulong ang interes nito upang bumuti ang kalagayan ng mga Pilipino.
Tama na ang bangayan at sana naman kung magkakaroon ng mga imbestigasyon ang Senado at maging ang mababang kapulungan ng Kongreso ay hindi para magpasikatan lang ang mga ito para sa 2016 presidential elections.
Abangan natin kung talaga bang mas magiging mabilis ang reporma na isinusulong ni P-Noy kapag kontrolado na ng kanyang kaalyado ang Senado tulad sa House of Representatives.
- Latest