NOONG Lunes ay naging bahagi ako ng Eleksyon 2013 News Coverage ng GMA 7 bilang boluntaryo sa telethon. Tumanggap ako ng sari-saring tawag ng ating mga mamamayan hinggil sa kanilang mga reklamo at hinaing at iba pang saloobin hinggil sa halalan. Mayroong nagsumbong hinggil sa vote buying kung saan moderno na rin dahil iniipit ang pera sa pagkain o detergent na nakakahon; mga balotang pre-shaded na, mga pangalang nawawala sa master list ng Comelec, kung saan at papaano hahanapin ang kanilang mga presinto, mga PCOS machines na hindi gumagana at iba pa.
Subalit pinaka-concerned at talagang pinakamaraming tawag ang tungkol sa daing sa mga PCOS machines na hindi gumagana. Lingid sa kaalaman nang marami na kapag hindi gumagana ang lahat ng PCOS machines ay hindi pinahihintulutan ang manual o mano-manong pagbibilang. Kundi ay dapat na iniipon ang mga balota at saka lahat ipapasok sa PCOS kapag okay na ito. Ang mga bilang lamang na tatanggapin ay ang mga dumaan sa machine. May mga nadiscount ding balota dahil na-reject ng PCOS. Pero ang dapat gawin ay i-restart ang machine at muling i-feed ang papel. Sa 2016 alam n’yo na ang gagawin ha?
Ang sistema ng pagboto ang isa pang nakalulungkot. Walang tamang organisasyon. Mga nag-uunahan para makaboto na, walang espesyal na pila para sa mga differently abled at senior citizens. Masisikip ang hintayan at mga upuan. Mainit kaya may mga hinihimatay. Nakalulungkot isipin pero gustuhin mang bumoto ng sambayanang Pilipino upang mailuklok ang mga tamang tao na babago sa ganitong sitwasyon ng ating bansa, ay hindi naman nila magawa dahil hirap na hirap sila sa paghanap pa lamang ng mga pangalan nila, at lalo na sa mismong pagboto. Kahit pa nasa mga presinto na sila, ang karamihan ay umuuwi na lang dahil hindi na magawang maghintay at tiisin ang kondisyon ng lugar.
Nakalulungkot isiping hindi pa rin talaga masupil ang daÂyaan sa ating lipunan. Kahit aÂno yatang gawin natin ay talagang hindi ito mawawala. Kung gusto, talagang may paraan ang mga tao. Kung hindi sa vote buying, sa ibang anyo - sa pagsi-shade na mga balota. Hindi kasi maaaring lagyan ng ekis o iba pang marka ang balota. Dapat ay palitan ito. Pero kung kakutsaba naman ang mga nagbabantay, ayaw naman papalitan ang balota dahil sakto at bilang daw.
Pero siguro kung may isang positibo at magandang bagay ang natuklasan at naramdaman ko sa halip ng mga reklamo at negatibong impormasyong ito, ito ay ang kagustuhan ng mga Pilipinong bumoto, dahil karapatan nila ito. Kahit na hirap na hirap sila sa paghaÂhanap ng kanilang mga pangalan at presinto, hindi talaga sila sumusuko. They know every vote counts. Nabigyan ako lalo ng pag-asa na may pag-asa pa talaga ang bayan natin, kahit marami ang hopeless na. Ang pag-asang ito ay nasa mga kapwa mamamayan ko, at hindi lamang sa pamahalaan.
Mabuhay tayong mga Pilipino. Kaya natin ’to! Nawa’y ang mga mailuluklok ngayong 2013 ay magsisilbi nang tunay at tapat, para naman worth it ang lahat ng hirap sa pagboto natin sa kanila.