EDITORYAL - May problema pa rin

INAMIN naman ni Comelec chairman Sixto Brillantes­ na hindi 100 percent na magiging tagumpay o maayos ang May 2013 elections. At least, nagbigay na agad siya ng prediksiyon na maaaring may sumulpot na problema. Tama nga siya sapagkat kahapon, lumutang na naman ang mga dati nang problema kapag may elections.

Unang-una nang problema ay ang mga nawa­walang pangalan ng botante. Hindi nila makita na naging dahilan para magkaroon nang mahabang pila sa paghahanap ng kanilang pangalan. Ang ilan ay halos himatayin dahil sa sobrang init habang nakapila. Hindi rin makita ang kanilang presinto kaya pabalik-balik ang mga tao sa paghahanap. Mayroong mga naasar na sa paghahanap ng pangalan kaya ipinasyang umuwi na lang.

Naging problema rin ang mga pumapalyang PCOS machine. Sa Marikina, may mga PCOS machine na hindi tumatanggap ng isinubong balota. Kaya idinaan sa mano-mano ang bilangan. Sa isang school sa Common­wealth, Quezon City, may mga PCOS machine na kailangang sundutin pa ng barbecue stick para iluwa ang balota. At ang nakapagtataka, wala namang­ technician na nakaantabay para solusyunan ang aberya. Wala ring extra PCOS machine para ma­gamit nang ura-urada sakali’t nagkaaberya.

Bagama’t masasabing mas improved ang election 2013 kaysa noong 2010, marami pa rin namang dapat isagawa ang Comelec para hindi na maulit sa 2016 elections ang nangyari ngayon. Kailangan pa ang puspusang pagsisikap ni Chairman Brillantes para magkaroon ng katuparan ang pangarap na tagumpay ng Philippine election.

Show comments