PINABILIS ni Tanggol ang pagpapatakbo pero marahan na marahan. Nakaangkas si Mam Jinky. Nalalanghap niya ang mabangong buhok ni Mam Jinky. Lalaki siya kaya may nagbabangon na pagnanasa sa kanya. Sino naman ang hindi maaakit kay Jinky gayung napaka-kinis nito? Pero nilabanan niya ang nadaramang sikad ng pagnanasa. Kaunting panahon na lang at magkakasarilinan na sila ni Jinky.
Pinatulin pa ni Tanggol. Umatungal ang makina dahil pasalunga ang lugar. Isa pa, mabigat ang dala-dalahan nila. Pang-isang linggong supÂplies ang binili nila.
Malapit na sila sa lugar kung saan may nakaharang na katawan ng saging.
“Tanggol mag-iingat ka. Malapit na tayo sa lugar na hinarangan tayo.’’
“Opo Mam Jinky.’’
Kurbada ang lugar. Ilang liko ang ginawa nila. Pagkatapos ng huling liko, nabulaga si Tanggol sapagkat sanga ng kahoy ang nasa gitna ng kalsada.
“Sanga ng kahoy naman ang nakaharang Mam Jinky.’’
“May nananakot sa atin, Tanggol.’’
“Hindi ako natatakot Mam Jinky. Aalisin ko ang harang.’’
“Mag-iingat ka Tanggol.’’
Bumaba si Tanggol at nilapitan ang sanga ng kahoy. Nakatingin lang si Jinky. Alerto naman si Tanggol nang lapitan at buhatin ang sanga. Dinala niya sa gilid ng kalsada.
Nang biglang may bumagsak ng tipak ng bato sa paanan ni Tanggol. At mayroon pang kasunod iyon.
Biglang sumigaw si Jinky.
“Tanggol ilag. Tatamaan ka ng bato!’’
Mabilis na nakailag si Tanggol. Daplis lang ang bumagsak na bato. Kung hindi siya nakailag baka sapol na sapol siya sa mukha at tiyak basag iyon.
Mabilis na hinanap ni Tanggol ang pinanggali-ngan ng bato. Wala siyang makita. Galing sa makapal na damo. Maaaring doon na nagtatago ang mga bumato sa kanya.
Mabilis niyang tinungo ang damuhan.
“Tanggol mag-iingat ka!’’
Walang takot na tinungo ni Tanggol ang damuhan. Kung sinuman ang bumato sa kanya ay magbabayad nang malaki. Muntik na siyang mapatay.
Dahan-dahan niyang nilapitan ang makapal na damo. Pero bago siya nakalapit, may humampas sa kanya ng kahoy sa tagiliran. Aringking siya sa sakit. Napaupo siya. Isa pang hampas ang kumawala pero nailagan niya at naagaw ang kahoy na pamalo.
Iglap ay napalo niya ang lalaking tangka siyang patayin. Hanggang sa humandusay ang lalaki.
“Huwag po! Huwag po!â€
Nakatingin si Tanggol sa lalaki. Nagmamakaawa ito.
(Itutuloy)