NAKIKIISA kami sa panawagan ng Department of Health na isulong ang pag-iimprenta ng mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo sa mismong kaha o pakete nito. Napakagandang malaman na hindi tumitigil ang DOH secretary sa kanilang nasimulan. Patuloy ang kanilang kampanya na para mailagay sa mga pakete ang retrato ng cancer sa baga, bibig, dila, pisngi at marami pang iba upang magsilbing babala sa mga naninigarilyo. Hindi raw sila nagbabago ng posisyon at naniniwala silang matutupad ang kanilang ipinaglaÂlaban. Ayon kay DOH secretary Enrique Ona, magandang paalala sa mga naninigarilyo ang paglaÂlagay ng mga sakit na nakuha sa paninigarilyo. MaaÂaring matakot sila at bitawan na karaka-raka ang bisyo.
Sa mga bansa sa Southeast Asia, tanging ang PiliÂpinas na lamang ang walang graphic health warning sa mga kaha at pakete ng sigarilyo. Matagal na umanong ginagawa ito ng mga bansa at malaki ang naitulong sa mamamayan sapagkat nabawasan ang mga naninigarilyo. Natakot sila nang makita ang photo ng sakit.
Bilyong piso ang ginagasta ng pamahalaan sa mga nagkakasakit dahil sa paninigarilyo. Malaking pera ang nasasayang na kung tutuusin naman ay maaaring maiwasan at makakapag-save pa ang pamahalaan. Marami nang namatay dahil sa mga sakit na nakuha sa paninigarilyo at panahon na para maisalba ang iba pang nagsisimula pa lamang maging sugapa sa paninigarilyo.
Nararapat suportahan ng mamamayan ang adhikain ng DOH na mailigtas ang mamamayan sa panganib ng paninigarilyo. Marami ang maililigtas kung magtutulung-tulong para maiwasan ang nakamamatay na bisyo.