Golden Gate Bridge sa San Francisco, California – Ang tulay na ito ang sinasabing may pinaka-maraming pagsu-suicide na nangyari. Umaabot sa mahigit 1,500 suicides ang ginawa sa tulay na ito.
Pero hindi lahat ng mga tumalon sa tulay na ito ay namatay. Mayroong himalang nakaligtas at nagtamo lamang ng kaunting sugat sa katawan.
Isa si Kevin Hines, 19, na nag-attempt mag-suicide sa tulay na ito pero hindi siya nagtagumpay. Si Kevin ay may bipolar disorder at ito ang dahilan kaya nais niyang magpakamatay. Noong taong 2000, naging matindi ang pagnanais niyang magpakamatay. Desidido na siyang isagawa iyon.
Makaraang pumasok sa school ng umagang iyon, sumakay siya ng bus patungo sa Golden Gate Bridge. Umiiyak siya nang bumaba sa bus. Nang makapili ng spot na tatalunan, tumayo siya roon ng 40 minuto. Iyak pa rin siya nang iyak. Wala ni isa man ang nagtanong kung bakit siya umiiyak.
Nang isasagawa na niya ang pagtalon, isang turista na may hawak na kamera ang lumapit sa kanya at nakiusap na magpakuha ng photo. Pumayag si Kevin. Matapos iyon, mabilis na tumalon mula sa tulay si Kevin.
Pero habang bumubulusok na una ang ulo, na-realized ni Kevin na nakagawa siya nang malaking kamalian at humingi siya ng tulong sa Diyos na iligtas siya. Habang bumabagsak, naisip niyang baguhin ang posisyon. Sa halip na ulo ang bumagsak sa tubig, paa ang nauna.
Himalang nakaligtas si Kevin. Sa ngayon, aktibo siya sa mental health groups at suicide prevention hot lines. Nilalabanan na niya ang matinding depression.