PARANG panaginip lang kay Richard Moyer ng Pennsylvania ang nangyari noong umaga ng Oktubre 3, 2011. Hindi siya makapaniwala na sa isang iglap ay maaari pala silang mamatay na mag-asawa. Isang black bear ang sumalakay sa kanila sa loob mismo ng kanilang bahay.
Tuwing umaga ay binubuksan ni Richard ang main door ng kanilang bahay para makalabas ang kanyang asong si Brindy para umihi at dumumi sa kalapit na kakahuyan. Pagkaraang palabasin si Brindy ay nagbalik si Richard sa higaan para ituloy ang pagtulog. Hinayaan niyang nakabukas ang pinto sapagkat babalik si Brindy matapos dumumi at umihi.
Subalit ganoon na lamang ang pagkagulat ni Richard nang biglang bumalik si Brindy sa bahay. Nagmamadali ito na parang may tinatakasan.
Hanggang sa malaman ni Richard kung ano ang dahilan at nagmamadali si Brindy. Isang black bear pala ang humabol dito. At nakapasok na ito sa loob ng bahay.
Sinalakay ng black bear si Richard. Kinagat ito sa ulo. Natumba si Richard. Ang pagkakagulo sa salas ang naging dahilan para magising ang asawa ni Richard na si Angela. Lumabas si Angela at nakita niya na nakikipagbuno si Richard sa black bear. Tinangka ni Angela na pigilan ang black bear sa pagsalakay kay Richard. Pero lalo lamang nagalit ang bear at siya ang sinalakay. Nang makita ng asong si Brindy ang pagsalakay ng bear sa kanyang among babae, nilundag niya ito at kinagat. Nakakita ng tiyempo si Richard at muling nakipagbuno sa bear para mailigtas ang asawang si Angela. Kinagat muli ng bear si Richard. Pero desidido siyang maibuwal ang bear kaya uli silang nagpagulong-gulong. Hanggang sa lumayo ang bear. Lumabas sa bahay.
Isinugod silang mag-asawa sa ospital. Grabe ang sugat sa ulo ni Richard at kailangang tahiin. Sa kabuuan, 37 stitches ang ginawa sa ulo ni Richard.
Makaraan ang ilang araw, lumabas na sa ospital ang mag-asawa. Ang isa sa pinagpapasalamat ni Richard ay hindi sinalakay ang kanilang 10-year old son na nasa isang kuwarto ng bahay. Ikinuwento nila sa anak ang hindi malilimutang pangyayari.