Negosyo ang dahilan kaya pinatay si Lontoc
MEDYO may linaw na ang kasong pagpaslang kay Philippine practical shooting team member Michael Lontoc. Si Lontoc mga kosa ay inambus ng armadong kalalakihan sa kanto ng M. H. del Pilar at Sanciangco Sts., sa Malabon City noong Sept. 25, 2011. Nahuli ng Intelligence Group (IG) si Jimmy Pianiar, isa sa mga suspect at ikinanta niya ang mga sangkot sa kaso. Kasama sa ikinanta ni Pianiar ay ang mastermind na hindi naman iba kay Lontoc. Ang mastermind ang nag set-up sa ilang okasyon para maambus si Lontoc at kabilang na diyan nang sumali siya sa shootfest ng Malabon Practical Shooting Association sa Bgy. Maysilo kung saan inabangan siya. Abala sa ngayon si IG director Chief Supt. Abe Villacorta ng mga hakbangin para kasuhan ang mastermind sa kaso, na shooter din. Sa ngayon, kinukumbinsi ng mga bataan ni Villacorta ang asawa ni Lontoc na si Lenny, para maging complainant sa kaso, na maging si Presidente Noynoy ay interesado. Sino ang mastermind sa pagpaslang kay Lontoc? He-he-he...
Sa debriefing report ni Villacorta, si Pianiar ay umamin na ang pumaslang kay Lontoc ay mga miyembro ng communist hit squad na Alex Boncayao Brigade (ABB) na nakabase sa Bgy. Catmon. Pinangalanan ni Pianiar ang mga kasama niya subalit hindi ko muna babanggitin sila mga kosa habang patuloy ang paghanap ng IG ng ebidensiya laban sa kanila. Si Pianiar ay dating empleado ng Spring Cooking Oil na pag-aari ng pamilya ni Philippine shooting gold medalist Tac Padilla.
Ayon kay Pianiar, na-recruit siya bilang ABB at ilang beses na rin siyang sumali sa liquidation jobs ng mga ito. At nakilala niya ang mastermind sa kaso ni Lontoc sa isang safehouse ng ABB sa Bgy. Tonsuya. Aniya, ang mastermind sa Lontoc slaying ay close supporter ng ABB sa Malabon City. Sa kanilang surveillance operation kay Lontoc, ang mastermind ay nakita ni Pianiar sa bahay mismo ng biktima sa Muñoz, Quezon City. Ilang beses din nilang inabangan si Lontoc at si mastermind ang sisenyas kung tatambangan nila ang shooter subalit hindi natuloy dahil hindi naman lumabas ng bahay ang biktima. Mga limang beses din na set-up ni mastermind si Lontoc, subalit hindi natuloy sa iba’t ibang dahilan. Sino ang mastermind? He-he-he...
Ayon kay Pianiar, nagbayad ang mastermind ng 10 units ng caliber 9mm pistols, dalawang box ng granada na halos 38 piraso ang laman at isang Bushmaster na riple. Ang mga armas ay ikinalat sa mga ABB units sa Malabon. Ayon pa kay Pianiar, tumangap siya ng P1,000 allowance sa pag-ambush kay Lontoc. Ano ba ‘yan? Ang mura ng buhay sa ngayon, ano mga kosa?
Mukhang may kinalaman sa negosyo ang pagpaslang kay Lontoc, ano sa tingin n’yo mga kosa? Kaya dapat makasuhan na itong mastermind! Sino siya? He-he-he... May karugtong!
- Latest