GINUNITA ang Earth Day noong nakaraang Lunes. Nagkaroon ng mga programa kung paano pangangalagaan ng mamamayan ang kapaÂligiran. Nagsimulang ipagdiwang ang Earth Day noong Abril 22, 1970. Subalit sa kabila ng mga pagsisikap, nananatili pa ring nasisira ang kapaligiran. Walang nakikitang pagbabago at lalo pang lumulubha ang pollution, sinisira ang kagubatan, nagsasagawa ng pagmimina at kung anu-ano pang pagwasak sa likas na yaman.
Nakahihindik ang inihayag ng isang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa nangyayaring pagliit nang mga kagubatan sa bansa. Ayon kay DENR Undersecretary Demetrio Ignacio, ikalawa ang Pilipinas sa Asia na maliit na ang sakop ng kagubatan. Una ang Singapore. Ayon kay Ignacio, 24 percent na lamang ang forest covered area ng Pilipinas. Bukod sa problema ng kagubatan, marami pang problema sa environment ng bansa. Ayon pa kay Ignacio, bagamat mayaman ang mga coral at iba pang yaman ng dagat, nasa panganib din ang mga ito kung hindi mapapangalagaan.
Mawawala nang tuluyan ang mga gubat at patuloy na malalason ang mga dagat kung hindi magkakaroon nang masinsinang programa at kampanya ang pamahalaan. Sa kabila na ipinagbawal na ng gobyerno ang pagputol sa mga puno, patuloy pa rin ang mga salot na illegal loggers sa kanilang masamang gawain. Ang walang tigil na pagputol sa mga puno ang dahilan kaya may mga pagbaha at pagguho ng lupa.
Patuloy din naman ang pagtatapon ng basura sa mga sapa at ilog at iniluluwa sa dagat. Tuwing aapaw ang Manila Bay dahil sa malalaking alon, isinusuka ang mga basura. Maitim na ang dagat dahil sa sari-saring mga basura.
Kamay na bakal ang nararapat para maipatupad ang batas. Kailangang pangalagaan ang bundok, dagat at kalawakan para hindi mamatay ang mundong ito. Magsagawa ng malawakang pagtatanim ng mga punongkahoy para maisalba ang mga kalbong kagubatan.