EDITORYAL - Sisihin ang kahinaan ng PNP at AFP sa pag-atake ng NPA

KUNG may dapat mang sisihin sa pag-ambush ng New People’s Army (NPA) sa convoy ni Gingoog Mayor Ruth Guingona noong Sabado ng gabi sa Alatagan, Misamis Oriental ito ay walang iba kundi ang kahinaan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines. Hinayaan nilang mamayagpag ang NPA sa lugar na iyon. Mayroon pa bang naniniwala sa NPA sa panahong ito? Ang NPA ay iba na ang ipinaglalaban --- ang makakolekta ng pera mula sa masamang paraan. Naglalagay sila ng checkpoint at ang sinumang magtangkang pumasok sa inaangkin nilang teritoryo na hindi nagbibigay ng revolutionary tax ay kanilang niraratrat. Ano ang karapatan nilang humingi ng buwis sa mga taong papasok sa inaangkin nilang lugar? Matagal nang isinuka ng mamamayan ang NPA dahil sa kanilang ginagawang puwersahang panghuhuthot.

Sa nangyaring pag-ambus kina Mayor Guingoina, napatay ang driver at isang bodyguard nito.. Naipit naman ang mayor sa bumaliktad na sasakyan at inabot ng limang oras bago ito nakuha sa ilalim. Ang mayor ay asawa ni dating Vice President Teofisto Guingona at ina ni Sen. TJ Guingona. Nasa ospital pa si Mayor Guingona pero ligtas na sa panganib.

Isang araw makaraan ang pag-ambush, humingi ng paumanhin ang NPA. Ang convoy daw ni Mayor Guingona ang nagsimula ng putok at gumanti lamang sila. Pumasok din daw sa teritoryo nila sina Guingona na walang permiso.

“Sorry” raw, sabi ng NPA. May napatay pero “sorry” raw. Ipinag-utos naman ni President Aquino ang pagbuwag sa NPA checkpoints kasunod nang pag-ambush kina  Guingona. Nalulungkot ang Presidente sa ginawang pag-ambush.

Tama lang na buwagin o wasakin ng AFP at PNP ang NPA checkpoints. Huwag nang hayaan pang may mamatay dahil sa ginagawa ng NPA na pagharang sa mga hindi humihingi ng permiso. Hindi na dapat katakutan ang mga bandido. Ipakita ng AFP at PNP na mas malakas sila kaysa NPA.

Show comments