Sampolan na ang mga kandidato

HANGGANG ngayon, wala pa ring nasasampolang kandidato na sinasabing lumalabag sa tuntunin ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng pangangampanya sa May 2013 elections.

Puro babala at press release lang ang Comelec. Pananakot lang ang ginagawa at napakatagal ng mga pag-iimbestiga sa mga kandidato na lumalabag sa mga pagkakabit ng mga posters sa mga illegal na lugar.

Mas maganda ay maka­pag­sampol na ang Comelec bago pa man sumapit ang eleksiyon para naman hindi na agad sila maiboto dahil diskuwalipikado na. Kung magiging agaran ang pag-aksiyon ng Comelec ay magi-ging matino ang mga kandidato dahil alam nila na hindi sila sasantuhin kapag napatunayang nagkasala.

Huwag nang paabutin pa ang eleksiyon dahil gagawin lang ng mga ito na rason ang mga boto ng taumbayan na sasabihing mas makapangyarihan ang boses ng mamamayan. Kung mag-iikot ang Comelec ngayon, napakaraming paglabag ang ginagawa ng mga kandidato. Nagkalat ang posters na nakadikit at nakasabit kung saan-saan. Ang mga kandidato sa local level ay hindi nila kinikilala ang tamang lugar kung saan dapat na magkabit ng poster.

Sa lalawigan, gaya sa Allaga, Nueva Ecija, may nangyaring karahasan kung saan ang isang lider ng kandidato ay itinumba ng mga hindi pa nakikilalang suspek. Ang napatay ay si Aries Dionisio lider ng kandidatong mayor na si Bro. Rene Ordanes. Matindi ang pulitika sa nasabing bayan. Sinasabing malakas na kandidato si Ordanes kumpara sa kanyang kalabang incumbent mayor.

Tiyak na may mga ganitong eksena rin na nangyayari sa iba’t ibang panig ng bansa. Sana naman, tanggalin na ang karahasan at maglaban-laban na lang sa pamamagitan ng balota. Gayahin ang Unites States na kahit gaano pa kainit ang pulitika ay walang nangyayaring karahasan. Mismong ang mga kandidato ang nagpapasiklaban sa pamamagitan ng mga debate na ang mga isyu ng bayan ang pinag-uusapan.

Isang halimbawa sa nakaraang US presidential election sa US na matitindi ang banatan ng mga kandidato pero walang nangyaring karahasan. Nang manalo si Barrack Obama, wala nang naghain ng protesta at malugod na tinanggap ang pagkatalo. Kabaliktaran sa Pilipinas na pagkatapos ng eleksiyon, napakaraming natalong kandidato ang naghahain ng protesta. Kinukuwestiyon nila ang mga nanalong kandidato.

Show comments