‘PAGCOR signs up as major partner for Binibining Pilipinas 2013’

ANG Pilipina ay kilala sa buong mundo na isa sa mga pinakamagagandang babae. Katunayan nito ay marami ng pinarangalang mga ‘beauty queen’.  Ilan sa mga ito ay si Ms. Gloria Diaz na kauna-unahang Pilipinong kinoronahan bilang Miss Universe ng taong 1969. Ms. Miriam Quiambao bilang first runner up sa Miss Universe 1999 at itong nakaraang taon lamang ay tinanghal na Miss Universe first runner up si Ms. Janine Tugonon.

Ngayong 2013, malaki ang tiwala ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na isang Pilipina na ang susunod na Miss Universe.  Upang ipakita ang kanilang suporta, ang ahensya ay nagbigay ng P3 million sponsorship para sa taong ito sa Binibining Pilipinas pageant na ginanap sa Smart-Araneta Coliseum nung nakaraang ika-14 ng Abril 2013.  Pinamunuan ni PAGCOR Chairman and CEO Cristino L. Naguiat Jr. at Binibining Pilipinas Charities Incorporated (BPCI) Chairperson Estella Marquez de Araneta ang pormal na pagiging magka-agapay ng dalawang ahensya, na naganap sa isang seremonya sa Forum Hall ng Airport Casino Filipino sa Parañaque City nung ika-3 ng Abril.  Sinabi ni Chairman Naguiat na ikinalulugod ng ahensiya na maging bahagi ng Binibining Pilipinas, na nagdiriwang din ng kanilang ‘golden year’ ngayong taon. “Kami ay nagpasya na maging kasosyo ng BPCI sa taong ito upang ipagdiwang ang kanilang ika-50 taon sa paglikha ng ‘Filipina beauty queens’ at charity works. Bukod pa rito, tiwala kaming ito na ang taon na isang Pilipina ang kokoronahan bilang Miss Universe, kaya’t nais naming maging bahagi nito, “ dagdag pa niya.

Ayon naman sa unang kinoronahang Miss International nung 1960 na si Mrs. Araneta, tatanawin nilang malaking utang na loob sa PAGCOR ang  sponsorship na ito. Bukod sa pagpapakilala ng kagandahan ng mga Pinay, ang Binibining Pilipinas pageant ay isa ring ‘charity event’. Ito ay bumubuo  ng pondo para sa iba’t ibang mga institusyong tumutulong sa mga nangangailangan.

Ayon kay Mrs. Araneta, kabilang sa mga makikinabang para sa Binibining Pilipinas 2013 ay ang “Operation Smile Pilipinas” at “Gawad Kalinga Foundation (GK)”. Ang Operation Smile ay isang Non-Government Organization(NGO) na nagbibigay ng libreng operasyon sa mga batang may bingot, habang ang GK Foundation ay bumubuo ng mga murang pabahay para sa mahihirap na Pilipino sa buong bansa. Ang parehong organisasyon na rin ang dating nakatanggap ng tulong pinansiyal mula sa PAGCOR.

Para sa isang espesyal na award sa Binibining Pilipinas 2013 ay itinanghal na Ms. PAGCOR si Imelda Schweighart. Makatatanggap siya ng premyong cash at libreng accommodation sa Hyatt Hotel at Casino Manila. Ito ay bahagi ng sponsorship ng PAGCOR para sa mga Binibining Pilipinas 2013 pageant. Inilunsad noong 1964, ang Binibining Pilipinas pageant na humikayat ng libo-libong mga kandidata mula sa iba’t-ibang dako ng bansa. Sila ay sumasailalim sa isang mahigpit na proseso ng pagpili at iyon lamang mga tunay na ganda, porma, talino ng Filipina, ang kokoronahang Binibining Pilipinas International, Binibining Pilipinas World at Binibining Pilipinas Universe. Ang mga nanalo ay kakatawan para sa ating bansa sa taunang global search para sa Miss International, Miss World at Miss Universe.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, isang pagpupugay sa tunay na ganda ng lahing Pilipino ang mga pageant na katulad ng Binibining Pilipinas kasabay ng nagagawang paglilingkod sa mga kababayan.  Sa pamamagitan nito naipapakilala natin ang ating kakayanan sa ibang bansa sa pamamagitan ng ating mga piling beauty queens na magrerepresenta sa atin. Hindi biro ang  pagsasanay at kanilang paghahanda para makuha ang  titulo at korona. Sa mga nagwagi sa Binibining Pilipinas 2013, MALIGAYANG PAGBATI SA INYO! Kay Bb. Pilipinas-Universe, Ariella Arida­;  Bb. Pilipinas-Inter­national Bea Rose Santiago; Bb. Pilipinas-Supranational Mutya Johanna Datul; Bb. Pilipinas-Tourism Joanna Cindy Miranda at kay Bb. Pilipinas First Runner­ up Pia Wurtzbach. Sa buong ahensya ng PAGCOR sa pamumuno ni Chairman Naguiat Jr., saludo kami sa pagsuporta ninyo sa adhikain ng ganitong mga gawain!

PARA SA IBANG BALITA…

Mapupuna natin na kahit na panahon ng tag-araw, may biglang pagbugso ng mga pag-ulan, o hindi pa tapos ang tag-araw ay maagang dumadating ang  tag-ulan. Magtataka tayo sa ganitong pagbabago pero ito ang epekto ng “climate change”. Sa ulat mula sa International Institute for Environment and Development (IIED), nakakabahala ang impluwensya ng climate change sa produksyon natin sa pagkain.

Nagbigay ng reaksyon ang panguna­hing tagapagtaguyod sa pagbibigay solus­yon sa kagutuman at tagapag-akda ng  “HB 4626 o Food for the Filipinos First” na si Cong. Jack Enrile tungkol dito. Pangamba niya na  pinakatatamaan nito ay ang  mga mahihirap nating kababayang naninirahan sa mga siyudad dahil malayo sila sa pinagmumulan ng pagkain. Sa sinusulong ni Cong. Jack Enrile na magkaroon ng pangmatagalang plano para masuportahan ang  pangangailangan sa pagkain ng lahat ng Pilipino lalo na ang  mahihirap, mas handa tayo sa pagharap sa ganitong mga pagbabago.

(KINALAP NI CARLA CALWIT) Sa gustong dumulog para sa inyong problemang legal, ang aming numero 09067578527/09213784392/09213263166 / 09198972854. Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038.  Maari rin kayong pumunta sa 5th floor CityState Centre bldg. 709 Shaw Blvd., Pasig City. Bukas kami mula Lunes-Biyernes.

Show comments