^

Punto Mo

‘Anak, pasukob naman’

- Tony Calvento - Pang-masa

WALANG biyaya kang matatamo kung magulang ang tinatalo. Ang mga taong nagbigay sa ’yo ng buhay, nag-aruga ay hindi mo dapat winawalang-hiya. Sila ang dahilan kung bakit ka nakarating sa estadong iyong kinatatayuan. Walang grasyang lalapit sa ’yo kung di ka marunong magpahalaga sa mga taong pinagkakautangan mo ng buhay. Nagsadya sa aming tanggapan si Aurora Manalastas, 68-taong gulang, nakatira sa Kalookan. Inirereklamo niya ang anak na si Roger Pangilinan, 48-taong gulang, isang ‘tricycle driver’. “Anak mo ang mastermind d’yan. Dapat ka lang daw nakawan dahil walanghiya kang ina!” mga salitang naging dahilan ng pagkadismaya ni Aurora sa barangay nang ireklamo niya ang katulong ng anak nung nakawin nito ang kanyang mga paninda. “Hindi ko alam kung bakit nagkaganyan ’yang anak ko. Hindi ko naman siya pinapalo nung bata pa. Maayos ko siyang pinalaki,” kwento ni Aurora. Dalawang taon pa lang ang bunso nilang anak namatay na ang kinakasama niyang si Jaime. Mag-isa niyang itinaguyod ang pamilya sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga laruan at kagamitang pampaaralan sa harap ng La Consolacion College, katabi ng simbahan ng San Roque. “Maganda ang kita. Hanggang ngayon ipinagmamalaki ko sa kanila na napag-aral ko sila dahil sa pagtitinda ko,” salaysay ni Aurora. Ang bunso niyang anak na si Aris ay napagtapos niya ng kursong Computer Science. “Naging lumpo lang yang anak ko nang masagasaan ng armored truck. Buti ipinagpatuloy niya ang pag-aaral,” kwento ni Aurora. Nang mag-asawa na ang iba niyang anak silang dalawa na lang ni Aris ang magkasama. Nakilala naman nila si Sister Rose Catry na may kilalang ‘foster parent’ na maaaring tumulong kay Aris sa mga gastusin. “Nag-apply ang anak ko. Buwan-buwan kaming pinadadalhan ng pera. Hanggang sa nakaipon kami ng 39,000PHP,” salaysay ni Aurora. Ginamit nina Aurora ang pera pandagdag sa kanilang paninda. Ang natira hiniram ni Roger at hanggang ngayon di pa naibabalik. “Nung maospital ako pinabili ko siya ng gamot tapos bigla na lang siyang nawala, tinangay pati pera ko,” ayon kay Aurora. Kahit na ganun ang naging pagtrato ni Roger sa kanya ibinili niya ng tricycle ang anak para may pang kabuhayan ngunit ibinenta lang nito. “Ni hindi man lang ako nakasakay kahit isang beses,” sabi ni Aurora. Taong 2013…Bagong Taon. Namili si Aurora ng kanyang paninda dahil maraming mamimili na dumadaan sa kanyang pwesto. Pauwi ng bahay bitbit ang mga pinamili lumapit sa kanya ang katulong ng kanyang anak. “Nay tulungan na kita diyan. Hirap na hirap kayo,” alok ng katulong. Habang inaayos niya ang iba pang dalahin bigla na lang itong nawala. Agad na pumunta si Aurora sa bahay nina Roger. Nang makita niya ang katulong nito tinanong niya kung saan nito dinala ang kanyang mga paninda. “Ewan ko, di ko alam,” sagot nito. Nang hindi inilabas ang kanyang napamili agad niya itong ipinabarangay. Sa harapan ng mga barangay tanod muli niya itong inusisa. “Ang anak mo ang may pakana niyan. Siya nagsabi sa ‘kin na nakawan kita. Dapat lang daw yun sa ’yo dahil walang­hiya kang ina,” mariin nitong sabi. Hindi na itinuloy ni Aurora ang kanyang reklamo. “Napahiya ako dun. Ang anak ko raw ang may utos ng lahat,” sabi nito. Tiniis niyang lahat ng ginagawa sa kanya ni Roger dahil iniisip niya ang kanyang mga apo ngunit nang agawin nito ang kanyang pwesto sa harap ng La Consolacion dun na siya hindi nakapagpigil. “Wala na kaming kikitain ng anak kong bunso. Hindi naman siya makapagtrabaho dahil nalumpo siya. Pati yung kanang kamay hindi maitaas dahil nabali nung masagasaan,” wika ni Aurora. Hindi niya matanggap na sa kabila ng kanyang mga iniindang sakit hindi pa naawa sa kanya ang anak at patuloy pa siyang pinahihirapan. “Diabetic ako at lahat ng kom­plikasyon na dulot nito dumapo na sa ’kin. High blood, katarata, malapit na kong mabulag,  pati cholesterol ko mataas. Naimpluwensiyahan na kasi ’yang utak niya. Sugarol at laging nasa inuman ’yan kaya ganyan,” salaysay ni Aurora. Sinubukan niyang maki­usap sa anak para lumipat na lang ng ibang pwesto ngunit sadyang matigas ang ulo nito. Ito ang naging dahilan kung bakit siya nagsadya sa aming tanggapan. “Lumipat na lang siya sa iba para naman makapagtinda ang anak kong bunso dun,” panghuling wika ni Aurora. Itinampok namin sa aming­ programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12pm) ang kwentong ito ni Aurora. PARA SA ISANG PATAS NA PAMAMAHAYAG, tinawagan namin si Roger tungkol sa inirereklamo ng kanyang ina. “Hindi naman totoong ninakawan ko siya. Ewan ko ba diyan iba na ang takbo ng utak,” depensa ni Roger. Ayon din sa kanya hindi niya maintindihan ang ina kung bakit sariling anak nakukuhang siraan. “Hindi ko naman siya pinababayaan. Sa katunayan ako pa ang bumibili ng insulin niya,” dugtong ni Roger. Kung nagbibigay umano siya ng pera sa ina hindi na ito nagpapakita sa kanya ng isang araw. “Hindi ko rin inagaw ang pwesto niya. Hindi na siya makapagtinda dahil nga malabo na ang mata niya at wala naman siyang paninda,” paglilinaw nito. SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi ba maaaring umusug-usog ka Roger ng bahagya para may mapagkakitaan ang iyong ina at kapatid na may kapansanan? Hindi biro ang mag-alaga ng anak at pagdating ng panahon bigla mo na lang siyang babalewalain. Hindi mo dapat inaagawan ang iyong ina bagkus ay dapat mo siyang tulungan sa kanyang pangangailangan. Ang pwestong pinag-uusapan Roger mula’t sapul sa ina mo na yan, ’di ba kaya nga naitaguyod niya kayo na nag-iisa dahil diyan siya nagtitinda? Kung totoo ang sinasabi ng iyong ina napaka-inggrato mo namang anak at yung ipinagmamalaki mong ibinibili mo siya ng mga gamot obligasyon mo rin na suklian ang bawat butil ng pawis sa pagsisikap ng iyong ina. Hindi naman niya hinihingi na buung-buo ang iyong pwesto, ang tanging gusto lamang niya ay magkaroon siya ng pagka­kataon na kumita para mabuhay. Nasa dapit-hapon na ang buhay ng iyong ina. Sino na ang mag-aalaga sa kapatid mong lumpo? Ikaw, na ngayon pa lamang ginugutom mo sila? Ang anak na hindi marunong tumanaw ng utang na loob sa ma­gulang ay hindi pagpapalain kundi pagpipikuhin ng ating Pa­nginoon. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) Sa gustong dumulog sa aming tanggapan, ang aming­ mga numero, 09213784392 (Pauline) 09198972854 (Monique) o 09213263166 (Chen). Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor City State Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

ANAK

ARIS

AURORA

KANYANG

LANG

NIYA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with