EDITORYAL - Bantayan ang mga bata

SUNUD-SUNOD ang pagkawala ng mga bata na may edad pito pababa. Mayroong bata na umano’y natagpuang patay sa Pililia, Rizal at wala na ang lamanloob nito. Hinihinalang dinukot ng sindikato ang bata. Mayroong bata sa Parañaque na anim na buwan nang nawawala at hanggang ngayon ay hindi pa nata­tagpuan. Umano’y dinukot ang bata para pagpalimusin. Isa pang bata ang umano’y nawala sa Pasay. Ayon sa nanay ng bata, naglalaro lamang sa tapat ng kanilang bahay ang kanyang anak na lalaki, nang bigla itong mawala. Iyak nang iyak ang ina at nagmamakaawang isauli ang kanyang anak.

Noong Sabado, isang apat na taong gulang na batang babae sa Tondo ang nailigtas ng mga barangay tanod makaraang kidnapin ng isang babae. Nagkunwari pang ina ng bata ang babae para hindi maaresto. Sa mismong bahay ng bata pa naganap ang pangingidnap.

Itatakas na ng 54-anyos na si Purificacion Gozon ang bata nang makita siya ng mga barangay tanod. Nang dalahin sa Manila Police District Station 7 ang suspect, itinanggi nitong dinukot ang bata at sinabing siya ang ina nito. Ilang araw na umanong nawawala ang kanyang anak. Nang magtungo sa police station ang tunay na ina ng bata, pinabulaanan niya ang sinabi ni Gozon. Siya raw ang tunay na ina ng bata. Sinampahan ng kaso ang suspect.

Usung-uso ang pagkawala ng mga bata. At sa kabila na patuloy na may nawawala, kampante naman ang mga magulang at hinahayaan ang kanilang mga anak na gumala sa kung saan-saan. Wala ring dapat sisihin sa pagkawala ng mga bata kundi ang mga magulang. Pinababayaan kasi nila. Hindi magkakaroon ng lakas ng loob ang mga kidnaper kung nakikita nilang pinuprotektahan ng magulang ang mga anak. Laging bantayan sana ng mga magulang ang kanilang maliliit na anak.

Show comments