MALAKING leksiyon ang natutuhan ng isang lalaki sa Montana, USA: Huwag mag-iiwan ng pera sa sasakyan kapag may kasamang aso. Kakainin ng aso ang pera at problema na ang kasunod.
Ganyan ang nangyari kay Wayne Klinkel noong nakaraang Disyembre 2012. Iniwan niya sa sasakyan ang kanyang alagang Golden Retriever at ang limang piraso ng tig-$100. Tiwala siyang walang mangyayari. Sandali lang naman siyang mawawala. Bibisitahin lang niya ang anak na babae para batiin ng Merry Christmas.
Pero ganoon na lamang ang kanyang pagkadismaya sapagkat wala na ang limang piraso ng tig-$100. Kinain na ito ng kanyang alaga!
Kinabukasan, inabangan ni Wayne ang pagdumi ng aso. Lagi niya itong sinusundan. Naniniwala siyang idudumi ang dollar. Kapag nakolekta ang pera, dadalhin niya sa US Treasury Department at papapalitan niya.
Ganoon na lamang ang katuwaan niya nang makakuha ng ilang piraso ng dollar. Pero hindi pa iyon sapat. Kailangan marami siyang makuhang piraso sa dumi ng aso.
Nang mga sumunod na araw, sunod pa rin siya nang sunod sa aso at binabantayan ang pagdumi nito. Pero kaunti lang ang nakolekta niyang piraso ng dollar sa dumi. Pati ang kanyang anak ay tumulong na rin sa pagbabantay sa aso kapag dumudumi ito.
Nang matipon nila ang mga pira-pirasong bahagi ng dollar, dinala niya ito sa Federal Reserve Bank. Pero sabi sa kanya ng bank employee roon, sa isang local bank dapat niya dinala ang pira-pi-rasong dollar.
Pero nang dalhin niya sa local bank, hindi rin ito tinanggap. Nagtungo siya sa isang banko at pinayuhan siyang dalhin ito sa Treasury Department’s Bureau of Engraving and Printing.
Nang dalhin, halos mapaiyak siya sa sama ng loob. Sabi sa kanya ng opisyal doon, papalitan lamang ang nasirang bills kapag nai-produced ang 51 per cent nito. Wala pa sa kalahati ang natipon ni Wayne. Saang dumi pa ng aso niya hahanapin ang mga piraso?
Kakamut-kamot sa ulo si Wayne na umuwi na lamang bitbit ang pira-pirasong dollar.