EDITORYAL - Ipakita ang tigas sa Chinese poachers

MAGBAYAD kaya ang mga mangingisdang   Chinese sa nasirang portion ng Tubbataha Reef nang sumadsad ang kanilang barko roon noong nakaraang linggo? Mukhang mahabang usapin ito at mahirap masabi kung tatalima ang nahuling poachers.

Nararapat silang pagbayarin. Kung ang US Navy ay nakahandang magbayad dahil sa nilikhang damage nang sumadsad na USS Guardian sa Tubbataha Reef noong Enero, dapat magbayad din ang mga Chinese. Sabi ng US Navy nakahanda silang balikatin ang pinsala. Nasa 2,000 square meters ang pinsala ng Guardian at aabot sa $1.4 million ang dapat nilang bayaran. Agad din namang ni-relieved ng US Navy ang apat na opisyal ng Guardian. Nagsasagawa rin sila ng sariling imbestigasyon para malaman ang katotohanan sa pagsadsad ng Guardian sa Tubbataha. Ang Tubbataha ay dineklara ng UNESCO na World Heritage Site sa Sulu Sea.

Kung gaano naman kabilis humingi ng pata-  wad ang US Navy, mabilis ding nakiusap ang dala­wang China embassy officials na patawarin at palayain na ang 12 kababayan nila na dinakip. Nagtungo umano ang dalawang embassy officials sa Puerto Princesa City, Palawan at pinakikiusap sa mga opisyal ng Tubbataha Management Office na pakawalan ang mga mangingisda. Hindi umano sinasadya ang pagkakasadsad ng barko roon. Pero sa halip na payagan ang kahilingan, lalo pang dinagdagan ang kaso ng mga mangingisda. Isinama sa kaso ang panunuhol ng mga mangingisdang Chinese sa park rangers. Umano’y $2,400 ang sinu­­­ suhol sa park rangers.

Hindi dapat pagbigyan ang Chinese officials sa kahilingang palayain ang mga nahuling mangingisda. Hindi ito pangkaraniwang problema. Pumasok sila sa teritoryo ng Pilipinas at doon nangisda. Sa kanilang pangingisda, sinira nila ang marine sanctuary. Pagbayarin sila sa ginawang damage sa Tubbataha. Magpakita ng tigas sa pagkakataong ito.

 

Show comments