PANAHON na naman ng bakasyon at mga pista. At hindi na naman mabilang na handaan at kainan ang pupuntahan natin. Kung hindi maayos ang paghahanda ng pagkain, puwedeng makaranas ng LBM.
Hindi ba, kapag nakararanas tayo ng paglulusaw, ang agad nating naiisip ay kung ano ba ang nakain natin? Posible kayang ito ang sanhi ng LBM na waring tubig na ang lumalabas? Baka kaso na ito ng food poisoning.
Nagkakaroon tayo ng food poisoning kapag nakakakain tayo ng pagkaing kontaminado ng bakterya. At talaga namang hirap na hirap ang pakiramdam ng pasyente. May pananakit ng tiyan, pagduduwal, pagtatae, at lagnat – parang mga sintoma ng tinatawag nating “stomach fluâ€. Pero kung ang inyong anak at ang iba pang kaklase o kalaro ay magkakapareho ng sintoma (at lahat sila ay nakakain ng kontaminadong pagkain), mas malamang na food poisoning ito.
Dapat nating tandaan na ang bakterya na nagdudulot ng food poisoning ay hindi nakikita ng ating mga mata, hindi naaamoy, at hindi nalalasahan. Kaya naman hindi natin alam kung kasama na nating nakain ang mikrobyo. Wala tayong kamalay-malay na nakapasok na pala ang mikrobyong nagdudulot ng food poisoning. Halimbawa ng mikrobyong karaniwang may dala ng food poisoning ay ang Staphylococcus aureus at Salmonella.
Ang bakteryang nagdudulot ng nakamamatay na food poisoning ay ang Clostridium botulinum. Karaniwang nakatira ang mga mikrobyong ito sa lupa at tubig. Botulism ang tawag sa food poisoning na ito at talaga namang delikado sapagkat naaapektuhan nito ang nervous system – nagdodoble ang paningin ng pasyente, nahihirapang lumulon at huminga, at parang pumupungay ang mata, na may kasamang pagsusuka, pagtatae, at pananakit ng tiyan. Lumalabas ang sintoma 18-24 oras matapos makakain ng kontaminadong pagkain, at puwedeng magtagal ng ilang linggo o buwan. Kung hindi gagamutin, puwede itong makamatay.
Malulunasan ang food poisoning kung pansamantalang ihihinto ang pag-inom at pagkain. Madalas ay kusang nareresolba ito. Maski naman ang mga baby at bata ay kayang tagalan na hindi muna kumakain sa loob ng tatlo hanggang apat na oras. Ngayon, kung makakakita na ng mga sintoma ng dehydration, makabubuÂting kumunsulta na sa doctor. Ipagbigay-alam agad sa doctor kung makakaranas ang bata ng ganito: 1) Matinding pagtatae na tubig na ang inilalabas; 2) May mga senyal na ng dehydration gaya ng tuyong labi, lubog na mata, walang luha kapag umiiyak, walang ganang kumain, irritable, o antok na antok; 3.) biglang nanghina, namanhid, mukhang di-mapakali at nahihirapang huminga.
Depende sa pagsusuri ng doctor kung kakailanganing bigyan ng antibiotiko ang pasyente (depende rin yan kung na-identify na ang mikrobyong may dulot ng food poisoning). Karaniwan na kaya sila nako-confine sa ospital ay para palitan ang likidong nawala sa katawan. Kung kayang uminom ng oral rehydration solution, gaya ng hydrite at oresol, mas malaking tulong.