Kapabayaan!

Kahapon ay naibalik na rin sa kanyang mga magulang ang 3-anyos na batang lalaki na iniulat na nawala noong Linggo sa MRT-Kamuning Station sa lungsod Quezon.

Muling nakapiling ng paslit na si John Gabriel Calimag ang kanyang mga magulang makaraang dalhin ng mga kumupkop na mag-asawa.

Si John Gabriel ang batang sinasabi ng isang testigo na umano’y nakitang bitbit ng isang matangkad na lalaking parang Amerikano at isinakay sa bus.

Ang ganitong pahayag tila, lumalabas na naman na dinukot ang paslit at malamang sabihin naman na sindikato ang dumukot.

Pero ngayong naibalik na ang bata sa kanyang mga magulang, ayun ang katotohanan, nagmalasakit pala ang mag-asawang nakakita sa paslit na umiiyak malapit sa MRT.

Kaysa nga naman sa iba pang masamang kamay mapunta ang paslit pinagmalasakitan nilang kupkupin muna ito, at kung matutukoy ang mga magulang ay saka ibabalik.

At matapos mapanood kamakalawa sa telebisyon ang panawagan ng magulang ng bata, ay doon na ito naibalik ng mga kumupkop.

Isa na naman itong kaso ng pagkawala o pagkaligaw ng paslit, na madalas kapag hindi agad na nakita sasabihing dinukot o kinidnap.

Ito ang nais bigyan diin ng mga awtoridad, dahil ang pangunahing dapat managot kapag nawala ang mga ganitong bata ay dahil masasabing may kapabayaan sa panig ng mga magulang.

Halos ganito rin ang nangyari sa 1-anyos na bata sa Quezon City.

Nakalayo at naglakad ang bata ng hindi napapansin ng magulang, kita naman sa CCTV na nakalakad palayo ang bata, at doon naman ito natiyempuhan ng isang mangangalakal at nagsamantala sa pagkakataon na kumuha rito.

Mabuti-buti kung ang makakakuha nga eh may mabuting kalooban, eh paano nga kung makakuha dito ay gagamitin ang paslit sa kanilang modus, iyan ang masaklap.

Isa pang nawawalang bata ang nadampot din ng mga awtoridad sa Pasay City.  Nakatira raw ito sa Cavite kaya ang NCRPO na ang nanawagan sa mga magulang na kunin na ang bata, na ang sinasabing pangalan eh Pinoy, 9-anyos.

Karamihan talaga sa mga iniuulat na nawawalang paslit, ay nakaligtaan at naligaw lamang, at madalang ang sinasabing kinukuha ng mga sindikato o lalo na ng grupong sinasabing kumukuha at nagbebenta ng  mga laman-loob.

Kaya nga ang patuloy na paalala ng mga awtoridad lalo na sa mga magulang, banta­yang mabuti ang mga paslit na anak.

Patuloy pa rin ang ginagawang paghahanap sa dalawa pang paslit na iniulat na magkasabay na nawala sa Taguig.

 

Show comments