ISANG lalaki sa Colombia na madalas tamaan ng kidlat ang nagpasyang ibaon ang sarili sa lupa para hindi na siya tamaang muli. Naghukay si Alexander Mandon, 20, nang malalim sa lupa. Nang umabot hanggang leeg ang hukay ay tinabunan niya ang sarili at tanging ulo lamang niya ang nakalitaw. Ilang oras na nasa ilalim ng lupa ang kanyang katawan.
Hinihinalang may kakaibang kondisyon sa katawan si Alexander kaya madalas siyang tamaan ng kidlat. Ang pinakahuli niyang karanasan ang pinaka-matindi sapagkat sa loob ng isang araw, dalawang beses siyang tinamaan ng kidlat.
Unang tama ay sa loob ng kampo. Isang sundalo si Alexander. Wala namang nangyari sa kanya. Natakot ang mga opisyal ng military sapagkat maaaring mapahamak ang mga kasamahan ni Alexander. Pinayuhan siyang magbakasyon muna.
Pag-uwi niya, tinamaan muli siya ng kidlat. Nangisay siya at hindi makalakad dahil sa tama ng kidlat. Ilang araw siyang nakahiga.
Nagpasya na siyang kumunsulta sa isang doctor sa kanilang lugar. Ipinayo ng doctor na ibaon ni Alexander ang sarili sa lupa. Kailangan ay hanggang leeg. Ang dumi raw ng lupa ang aabsorb o sisipsip sa electrical charges na nasa katawan ni Alexander.
Makaraang ibaon ang sarili ay nakadama umano ng ginhawa si Alexander. Wala pang report kung hindi na siya tinatamaan ng kidlat.