‘Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM)’

MATAAS, mababa, matining, malambing at minsan pa ay nakakatakot. Meron din nagboboses bata at matanda. Iba’t-ibang klase ng tinig ang ating nalilikha. Maraming diskarte upang makilala ang kani-kanilang mga boses. Ang iba’y ito ang puhunan para mabuhay ang kanilang pamilya. Likas sa ating mga Pilipino ang husay sa pag-awit kaya inilunsad muli ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at ang Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM) ang pagbubukas ng isang bagong taon sa pagsisimula ng kanilang matagumpay na kumpetisyon sa pagkanta may pinamagatang “OPM@PAGCOR 3: A Nationwide Search for the Total OPM Performer”. “Ang OPM@PAGCOR ay naiiba sa ibang mga ‘talent search’. Ito ay hindi lamang nagbibigay ng pagkakataon sa mahuhusay na Pilipino na makilala, nakakatulong din ito tungo sa kanilang pagkahasa sa propesyunal na liga, pagtuturo at trabaho para sa mga bagong talento. Maliban pa diyan, makapagbibigay din ito ng pag-asa sa mga kabataan may talento sa musika na ipakita ang  kanilang angking galing,” sabi ng OPM President at multi-talented artist, Ogie Alcasid. Dagdag pa niya na ang karamihan sa mga Pilipino ay ipinanganak na may likas na talento para sa pag-awit. Kung patuloy tayong lilikha, mang-eengganyo at susuporta sa ating sariling musika, magagawa nating pasukin ang pandaigdigang liga nito.   Umaasa rin siya na matutuklasan nila ang mga world-class na talento na magbibigay ng pagkilala sa OPM at lalo pang palakasin ang lokal na industriya ng musika.

Sa kabilang banda, ang PAGCOR Assistant VP for Entertainment na si Bong Quintana ay naghayag ng kanyang pagmamalaki para sa pambihirang tagumpay ng OPM@PAGCOR talents. “Ngayon sa ika-tatlong taon nito, ang OPM@PAGCOR ay nakapag-sanay ng mga pinakamahusay na mga mang-aawit  na regular na kumakanta sa lahat ng mga sangay ng Casino Filipino bilang PAGCOR Artist,” wika niya. Ibinahagi ni Mr. Quintana na ang nagwagi sa una at ikalawang OPM@PAGCOR talent search ay naging miyembro ng PAGCOR 5. Ang grupong ito  ay lumilibot sa iba’t ibang sangay ng Casino ng PAGCOR kasama ang ilang mga ‘OPM icon’ ng ating bansa. Samantala, ang OPM Secretary Dingdong Avanzado at OPM Vice President for External Affairs na si Noel Cabangon ay nagbigay papuri sa PAGCOR para sa walang tigil nitong suporta na binibigay sa mga Pilipino artist at sa industriya ng musika sa ating bansa. Ang papremyo sa nasabing paligsahan ay tumataginting na P300,000 pesos para sa tatangha­ling  ‘grand winner’, P200,000 pesos naman sa pangalawang magwawagi at P100,000 pesos naman para sa ikatlong mananalo. Bilang karagdagan ay makatatanggap rin sila ng mga tropeyo at ng ‘performance contract’ mula sa PAGCOR. Para naman sa mga hindi mananalo na umabot hanggang sa Top12 ay makatatanggap ng P20,000 pesos bawat isa. Ang ‘nationwide auditions’ para sa OPM @ PAGCOR 3 ay magsisimula sa ika-19 ng Abril hanggang ika-15 ng Mayo 2013 sa iba’t-ibang sangay ng Casino Filipino. Ang Grand Finals Night naman ay nakatakda sa ika-7 ng Hunyo 2013 sa PAGCOR Grand Theater ng Airport Casino Filipino sa Parañaque City. Para sa higit pang mga detalye tungkol sa OPM @ PAGCOR 3, mangyaring bisitahin ang www.pagcor.ph, o tumawag sa PAGCOR Entertainment Department sa (02) 852-7760, o bisitahin ang Casino Filipino branch na malapit sa iyo.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, isang pakikibahagi na ng PAGCOR sa industriya ng musika ng bansa ang  paglulunsad ng ganitong klase ng mga proyekto. Maraming mga kabataan ang  may husay na kailangang mabigyan ng pagkakataon upang maipakita ang  kanilang kakayanan. Sa ganitong mga pagkakataon nahahasa at naihahanda ang  mga bagong talento sa kanilang galing na may potensyal na maging daan para sa kanilang pamamayagpag maging sa buong mundo, upang makita ang  ga­ling nating mga Pilipino. Marami nang mga sikat na mga Pinoy na mang-aawit na kinilala sa abroad at hindi malayong sa pamamagitan ng mga ganitong timpalak, maging daan ito para sa pandaigdigang pagpapakita ng kanilang husay. Sa pagsulong ng PAGCOR sa paligsahang ito, patuloy nilang binibigyan ng pag-asa ang bawat tao lalo na ang  mga kabataan na may angking talento sa pagkanta. Isang pasasalamat at papuri muli sa buong ahensya ng PAGCOR sa kanilang walang tigil na pagsuporta sa mga paligsahang nakapagpapa-unlad ng mga talento ng ating kapwa at sa pagbibigay hanapbuhay sa mga ito. 

Sa iba pang balita..

Binabati ni Cong. Jack Enrile kamakailan ang PAGASA o ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration para sa kanilang modernong gamit sa pagtukoy ng lagay ng panahon na tinatawag na “COSMO”. Sabi ni Cong. Jack Enrile na tiyak na mas magiging epektibo ang kanilang trabaho sa pagbibigay babala at impormasyon ukol sa lagay ng panahon na pakikinabangan ng milyon-milyong Pilipino. Sabi nga nitong si Cong. Jack higit na makikinabang dito ang ating  mangi­ngisda at magsasaka. Sa pamamagitan ng “COSMO”, maagang maipapaalam sa kanila ang lagay ng panahon at mas magiging handa sila. Hindi na lang sila basta aasa sa pakikiramdam sa paligid bagkus nariyan na ang PAGASA para agarang magbigay paalala tungkol sa lagay ng panahon. Mas maayos, mas handa at walang antala sa produksyon at pagpapadala ng mga pagkain sa buong bansa. (KINALAP NI CARLA CALWIT) Sa gustong dumulog para sa inyong problemang legal, ang aming numero 09067578527/09213784392/09213263166 / 09198972854. Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038.  Maari rin kayong pumunta sa 5th floor CityState Centre bldg. 709 Shaw Blvd., Pasig City. Bukas kami mula Lunes-Biyernes.

Show comments