EDITORYAL - Siguruhing magbabayad ang US sa Tubbataha damage

NATAPOS na noong Sabado ang pag-salvage sa sumadsad na USS Guardian sa Tubbataha Reef. Inabot ng dalawang buwan ang ginawang pag-salvage sa Guardian makararaang sumadsad sa protected area noong Enero 17. Ang pagsadsad ay puminsala nang husto sa mga corals na itinuturing na world treasure. Ang Tubbataha Reef ay idineklarang marine sanctuary. Napinsala ang may 4,000 square meters nang sumadsad ang Guardian, isang US Navy minesweeper.

Ayon sa pag-estimate, ang halaga ng mga nasira sa reef ay umaabot ng $5 million o katumbas ng P200 million. Ayon sa Tubbataha Reefs Natural Park Act of 2009 ang multa ay $300 o katumbas ng P12,000 bawat metro kuwadrado at karagdagang $300 para sa rehabilitasyon ng mga nasira sa reefs. Ayon sa report baka mas mahigit pa sa 4,000 squate meters ang napinsala sa reef sapagkat matagal na nabalaho ang Guardian.

Ang tanong ay may kakayahan bang pagbayarin ng gobyerno ang US Navy sa ginawang pinsala. Mapipilit ba sila na madaliin ang pag-iimbestiga? Ayon sa report, gumagawa ng sariling pag-iimbestiga ang US Navy sa insidente. Ang nakapagtataka lang, sa Japan ginagawa ang pag-iimbestiga sapagkat ang Guardian ay doon daw naka-base nang maganap ang pagsadsad sa Tubattaha.

Gawin ng gobyerno ang lahat nang paraan para mabayaran ang pinsala. Hindi ito simpleng problema na dapat ipagwalambahala. Huwag hayaan na “matakbuhan” ng US Navy ang responsibilidad. Marami nang pangyayari na tumakas ang US Navy gaya ng ginawa nila sa Clark at Subic na nag-iwan ng nakamamatay na toxic.

 

Show comments