AABOT sa 451 unibersidad at kolehiyo ang naghain ng petisyon sa Commission on Higher Education (CHED) para magtaas ng matrikula.
Sana ay maging mahigpit ang CHED sa mga inihaing petisyon at tiyakin na magiÂging makatarungan ang tuition fee hike. Masyadong mabigat na para sa mga magulang o nagpapaaral ng kanyang mga anak ang muling pagtataas ng matrikula.
Kapag naging pabaya at hindi naging sensitibo ang CHED sa pagtataas ng matrikula, asahan na maraming kabataan ang hindi na makapagpapatuloy sa pag-aaral dahil sa hirap ng buhay at hindi makakayanan ang mataas na matrikula.
Wala nang mapupuntahan ang mga mamamayan dahil sa state colleges at universities ay umaapaw na rin ang mga estudyante at bukod diyan ay kapos ang budget dito na inilalaan ng national government.
Sana, huwag nang aprubahan ng CHED ang mga petisyong ito na magtaas ng matrikula upang makatulong naman sila na maibsan ang hirap na dinadanas ng taumbayan.
Kung talagang nais ng mga senador at kongresista na makatulong sa sambayanan ay ibuhos na lang nila ang kanilang mga pork barrel sa budget sa mga state universities at colleges (SCUs). Malaki ang maitutulong nito kung magkakaroon ng sapat na pondo ang mga SCUs dahil mas maraming kabataan ang maaaring makapag-enroll dito.
Sa ngayon ay nagsisialisan na rin ang maraming estudyante sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad at nais lumipat sa mga kontrolado ng gobyerno. Kung walang malipatan sa mga SCUs ay napipilitan na lang huminto ang mga ito.
Sana ay ilipat na ang pork barrel sa sector ng edukasyon at tiyak na maraming mamamayan ang hahanga sa mga senador at kongresista.