Hindi pa rin pala mapapahinga ang marami nating kababayan na nagsibalik sa Metro Manila sa matinding trapik na kanilang naranasan sa pag-uwi sa mga lalawigan noong nakalipas na linggo.
Aba’y matindi ang kalbaryo ng mga nagsibiyahe palabas ng Metro Manila, Pagbabayad mo pa lang sa mga lalabasang toll gate sa NLEX at SLEX umaabot na sa 2 kilometro ang pila ng mga sasakyan.
Talagang ubos ang oras ng marami sa matinding trapik.
Pagbalik sa Metro Manila, inakala ng marami na medyo makakahinga sa trapik dahil nga sa wala ng pasok sa mga eskuwela , pero hindi pala.
Inilarawan nila na mas tumindi pa ang trapik ngayon kaysa noong may pasok sa mga paaralan, kung bakit at ano ang dahilan, ito ay dahil sa arangkada nang pangangampanya ng mga kandidato.
Matindi at ilang araw na nagkabuhul-buhol ang trapik sa maraming lugar sa Metro Manila, dahil sa mga proklamasyon ng mga kandidato sa mga lokal na posisyon.
Hindi lang yan, matindi rin ang pagsisimula ng kampanya sa lokal, grabe rin ang dalang ingay ng mga ito.
Bagamat walang batas na nagbabawal, aba’y wala rin namang pinipiling oras ang pangaÂngampanya ng marami sa mga ito.
Kahit mahimbing pa ang tulog mo sa umaga, aarangkada at dinig na yata sa buong barangay ang pag-ikot ng mga sasakyan ng mga kandidato, na pinatutugtog ang naglalakasan nilang campaign jingle.
Bulabog ang barangay na sasabayan pa ng pagsasalita sa mega phone na ‘iboto si ganito...’
Buong maghapon na yan ha, at meron pang humahabol kahit sa gabi.
Grabe talaga ang ingay at magulong paligid dahil sa kampanya.
At eto pa ang isa, hindi na pinapansin ng marami sa mga ito ang mga alituntuning ipinatutupad ng Comelec sa mga laki ng campaign materials na kailangan lang gamitin at kung saang mga lugar dapat itong ilagay ng mga kandidato.
Sa kawad ng mga kuryente at sa mga poste ng Meralco, tambak na sa Comelec ang mga campaign poster ng mga kandidato.
Habang papalapit ang halalan, talagang parami nang parami ang mga matitigas ang ulo at pasaway na kandidato. Ito naman ang dapat tandaan ng mga botante ang mga kandidatong matitigas ang ulo at hindi sumusunod sa mga simple at maliliit na patakaran, sa mga ito ay wala tayong aasahan.