EDITORYAL - Ubos Sayyaf!

WALANG tigil sa pagkidnap ang Abu Sayyaf. Pawang mga dayuhan ang kanilang binibiktima at saka ipatutubos sa malaking halaga ng pera. Ginagawa na nilang negosyo ang pangingidnap. Dahil sa pangingidnap, maraming dayuhan ang umiiwas na magtungo sa bansa. Sino ba namang dayuhan ang pupunta sa Pilipinas para lang kidnapin ng Sayyaf?

Sa kabila na marami nang lider at tauhan ng bandidong grupo ang napatay, patuloy pa rin sila sa ma­samang gawain. Minsan nang sinabi ng mga awtoridad na hindi na raw problema ang Sayyaf. Kakaunti na raw ang mga miyembro nito at hindi na makagagawa ng pangingidnap. Pero isa palang malaking ka­hibangan para paniwalaan ang pahayag sapagkat marami pa palang miyembro ang mga bandido at patuloy sa masamang gawain.

Isa sa mga dayuhang kinidnap ng Sayyaf ay ang Australian na si Warren Rodwell. Kinidnap si Rodwell sa Zamboanga noong Disyembre 5, 2011 at dinala sa Tawi-Tawi. Pinalaya lamang si Rodwell noong nakara­ang Sabado makaraang magbigay ng P4-million ransom­ ang pamilya nito. Payat na payat at halos hindi makalakad si Rodwell nang makita ng isang mangi­ngisda sa dalampasigan ng Pagadian City. Umano’y iniwan sa bangka si Rodwell ng mga kid­nappers makaraang makuha ang ransom money. Hirap na hirap sa pagsagwan si Rodell patungo sa dalampasigan.

Walang patakaran ang gobyerno na magbigay ng ransom sa kidnappers. Sinabi ng Malacañang na ang pagbibigay ng ransom ay maghihikayat lamang sa Sayyaf para mangidnap muli. Ang pamilya umano ni Rodwell ang nagbayad ng ransom at walang alam dito ang gobyerno.

Sa nangyaring pagbabayad ng ransom, tiyak na mangingidnap muli ang Sayyaf. Nakatikim sila ng milyones kaya panibagong paghahanap na naman ng bibiktimahin. Ito na ang magandang pagkakataon para tugisin ang Sayyaf. Huwag nang bigyan nang pagkakataon ang mga “salot’’ na makapambiktimang muli ng dayuhan. Ubusin na ang Sayyaf!

 

Show comments