TULAD ng nagdaang mga taon, ginunita kagabi ang Earth Hour. Isa itong pandaigdigang aktibidad na nagpapamulat sa atin hinggil sa pa-ngangalaga sa ating planeta sa gitna ng nagaganap na climate change.
Patuloy umano ang pagtaas ng temperatura ng Daigdig o ang tinatawag na global warming. Hindi na nga ba maaampat ang pagkasira ng ozone layer na sumasalag sa mapaminsalang ultraviolet rays mula sa araw? Sana nga, nakakatulong ang pagtatanim ng maraming punongÂkahoy para maibsan ang epekto ng pagbabago ng klima ng ating kapaligiran. Maraming bundok ang napapanot at, tuwing bumabagyo, matindi ang pagragasa ng mga baha na pumipinsala ng maraming buhay at ari-arian. Taon-taon, nadadagÂdagan ang pagtaas ng mga karagatan na banta sa mga naninirahan at nabubuhay sa mga baybaying-dagat at sa mabababang lugar. Sa Mindanao nga, ayon na rin sa PAGASA, dumadalas na ang bagyo rito na hindi naman nangyayari noong mga unang panahon. Hindi pa umano mabatid kung sanhi ito ng climate change pero nakakabahala rin ang nangyayaring ito sa Mindanao.
Maganda ang hakbang ng mga shopping mall at iba pang negosyong establisimiyento na gumagamit na ng supot na papel o pinapagamit na ng eco bag ang kanilang mga kustomer. Dumarami na rin ang mga tindahang umiiwas sa paggamit ng supot na plastik.
Sana nga rin, tuluyan nang lumaganap ang paggamit ng mga sasakyang ginagamitan ng kuryente o baterya para hindi na lubusang umasa sa gasolina o langis na isa sa sinisisi sa global warming. Magastos nga lang ang pagpapalit sa ganitong sistema pero sana ay magkaroon ng paraan para makinabang ang lahat at ang ating kapaligiran.
Iisa pa lang ang planetang maaaring panirahan ng sangkatauhan. Kahit meron nang mga plano na magtayo ng kolonya ng tao sa planeÂtang Mars, malabo pa rin ito dahil wala pang katiyakan kung maaaring mabuhay doon. Kung sakali, magmumula pa rin sa Daigdig ang anumang kailangan para makapanirahan doon ang tao. Kaya, habang ganito ang sitwasyon, mahalaga talagang pangalagaan natin ang Daigdig.
• • • • • •
(Anumang reaksyon sa kolum na ito ay maipaparating sa email address na rbernardo2001@hotmail.com)