Pagtatapos

NOONG Martes, dumalo ako sa kauna-unahang Moving Up Day ni Gummy. Hindi ko mapigilang maiyak nang mapanood siyang sumasayaw at kumakanta, magmartsa upang kunin ang kanyang diploma at mag-bow sa harapan at tanggapin ang kanyang Personality Award na Little Ms. Wordy. Sa lahat ng kanyang mga kaklase, siya ang may pinaka-maraming salita at pinakamalawak na bokabularyo para sa kanyang edad. Playschool pa lang ay may mga ganito na akong moment, ano pa kapag sa graduation niya ng elementary, high school at kolehiyo, baka kailangan may batya na sa harap ko pangsahod ng luha.

Pinag-uusapan na rin lang ang pagtatapos at pag-eeskuwela, nalungkot at nanlumo ako nang mabalitaan ang nangyari sa UP student na nagpakamatay dahil walang pang-tuition.

Sa UPIS ako nag-aral sa loob ng 11 taon. Mga Iskolar ng Bayan kami kung tawagin dahil buwis ng mga Pilipino ang ipinangpapaaral sa amin. Dahil nasa State University kami, mababa ang aming tuition. Para sa kalidad ng edukasyong mayroon ang UP, mababa ang per unit cost sa kolehiyo kumpara sa ibang unibersidad. Salang-sala ang mga nakakapasok dito. Kapag pumasa, ibig sabihin, may utak. Aba ako nga kinapos ng .02 sa aking UPG noong nag-UPCAT ako. UP is really not for everyone, pero kapag nakapasa ka it means you have the brains and what it takes to survive.

Kaya masakit sa dibdib nang mabalitaan ko ang tungkol sa UP student na dahil walang pang-tuition, tinapos na lamang ang buhay. Dapat siguro mas marami ang mga scholarship na ino-offer sa mga kabataang matatalino ngunit kapos. Siguro rin, mayroon namang scholarships pero hindi lamang sila aware sa mga programang maaari nilang pasukin upang makapagpatuloy sa kanilang pag-aaral.

Dahil sa balitang ito lalo kong naisip na labis na kawawa ang mga batang interesado mag-aral, matatalino at gustong matuto kung hindi paglalaanan ng kanilang mga magulang ang edukasyon para sa kanila. Hindi ako naniniwalang kailangang lagi ka sa prestihiyoso at mamahaling paaralan ipasok upang maging matalino o upang magtagum­pay sa buhay. Nasa kagustuhan iyan ng batang matuto at dedikasyon sa pag-aaral.

Sana ang mga magulang ay maging masinop sa pag-iipon ng pera para sa pag-aaral ng mga anak. Naniniwala akong ito ang pinaka-magandang maipamamana sa kanila. Hindi kahirapan ang katapusan ng buhay. Habang may buhay, may pag-asa.

Show comments