Mga kawatan nakaabang sa long vacation

Mahabang bakasyon na naman ang inaabangan sa su­sunod na linggo sa pagpasok ng Semana Santa.

Ngayon pa lamang, nagsisimula nang dumagsa ang mga magsisiuwi sa kani-kanilang lalawigan lalo pa nga’t marami na sa mga paaralan ang wala nang klase.

Kapansin-pansin na rin ang unti-unting pagdami ng mga pasahero sa mga terminals, airport at mga pantalan.

Minsan nga lang naman mangyari sa loob ng isang taon ang ganitong mahaba-habang bakasyon na talagang hinihintay ng marami, kasi nga kadalasang dito nagkakasama ang mga pamilya at magkaanak.

Gaya nang dati, siguradong pagsapit ng Huwebes hanggang Linggo next week, matindi ang luwag ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing daan sa Metro Manila.

Marami marahil mag-a-out-of-town at ang titindi ang trapik ay ang mga daan patungong mga lalawigan at sa Kalakhang Maynila naman ay sa mga terminal na lamang.

Kapag ganitong panahon, ngayon pa lamang ay magpapaalala na ang inyong Responde dahil malamang na ngayon pa lamang ay naghahanda na ng kanilang mga modus ang mga kawatan para sa kanilang pagsalakay.

Sa mga taga-Metro Manila na magbabakasyon sa mga malalayong lugar at maiiwan ang kanilang mga tahanan, ngayon pa lamang ay paghandaan na ang mga seguridad na inyong gagawin sa iiwan ninyong bahay at kabuhayan.

Iyan ngayon ang target ng mga kawatan.

Alam na alam ng mga masasamang elemento na ito, na magpipiyesta na naman sila sa nalalapit na long vacation.

Baka nga ngayon pa lang, may mga target na ang mga ito ng kanilang bibiktimahin, kaya kumakalap na ang mga ’yan ng impormasyon.

Kung hindi talaga maiiwasan na walang maiiwan sa inyong bahay, dapat meron kayong mapagbilinan man lang na talagang inyong pinagkakatiwalaan na matingnan-tingnan ang inyong bahay.

Kung dadagsa rin ang mga magsisiuwi nating mga kababayan sa kani-kanilang mga lalawigan, sa mga ter­minal, airport at mga pantalan, dadagsa rin diyan ang mga kawatan.

Lubhang pag-iingat ang kailangan, laging magmasid, hindi dapat bigyan ng oportunidad ang mga kawatan na maisagawa ang kanilang balakin.

Bantayang maigi ang inyong mga bagahe dahil magiging  target din ’yan ng mga kakalat na kawatan.

Sa panig naman ng mga awtoridad, sana ay mabigyan ang mga magbibiyahe nating kababayan ng ibayong seguridad laban sa mga kawatan at mga kriminal.

Patindihin ang police vi­si­­bility lalo na sa mga lugar na dadayuhin ng ating mga kababayan.

 

Show comments