HALOS 80% ng mga tao ay may tinatagong Herpes simplex 1 virus sa kanilang katawan. Ito ‘yung nagiging cold sore virus.
Ang sintomas nito ay ang pamamaga sa labi o sa lugar na nakapaligid sa labi. Minsan ay namumula ito na parang pigsa at minsan ay hitsurang butlig ito. Malalaman na cold sore virus ito dahil may kasamang pakiramdam ng pamamanhid, napapaso, nangangati o parang kinukuryente.
Heto ang paggamot ng cold sore:
Pahiran kaagad ng cream – Pahiran ng Acyclovir 5% cream ang namumulang butlig. Pahiran ng cream bawat 2 oras o mga 5-6 beses sa isang araw. Ang Acyclovir ang papatay sa virus.
Uminom agad ng tableta – Uminom ng Acyclovir tablet 200 mg, 1 tableta 5X a day (or Valciclovir tablet 500 mg, 1 tableta 2X a day) sa loob ng 5-10 araw. Mahal ang mga gamot na ito pero may generic ng Acyclovir na mas mura. Mapapabilis ng gamot ang paggaling ng cold sore. Tandaan: Para maging epektibo, kailangan pahiran ng Acyclovir cream at uminom ng Acyclovir tablet sa loob ng 24 oras pagkatapos lumabas ang butlig.
Palitan ang sipilyo – Ang herpes virus ay puwedeng manatili sa sipilyo. Nakahahawa ito. Kapag ika’y nagka-cold sore, palitan agad ang iyong sipilyo. At kapag gumaling ka na, palitan ulit ang sipilyo.
Palitan din ang toothpaste – Minsan ay nagtatago rin ang herpes virus sa toothpaste.
Alamin kung ano ang dahilan ng cold sore – Kadalasan ay stress ang dahilan nito. Alamin kung ano ang nangyari sa iyong buhay na nagdulot nito. Puwedeng stress, menses, matinding init at araw, pagod o ibang sakit ang nag-trigger nito.
Magpalamig – Ang sobrang init ay puwede ring magdulot ng cold sore. Para itong singaw ng init ng katawan. Magpalamig, umiwas sa araw at gumamit ng sunblock.
7. Matulog at mag-relax – Para lumakas ang ating katawan, piliting matulog at magpahinga. Magtambay lang sa bahay at huwag muna magtrabaho at mag-isip ng problema. Manood ng TV, magbasa ng Bibliya at mag-relax. Kapag nakapahinga ang katawan, mas lalakas ang resistensiya.
8. Puwedeng mag-ehersisyo ng bahagya – May tulong ang ehersisyo sa pagre-relax. Huwag lang sobra para hindi mapagod ang katawan.
9. Huwag mag-alala sa iyong hitsura – Ang pag-aalala sa iyong hitsura ay dagdag pa sa iyong isipan. Sabihin mo sa sarili na tagihawat lang iyan. Pagkalipas ng ilang araw, tanggal na iyan.